PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Sinimulan na ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang pagtatatag ng Koop-Bata sa Palawan Program.
Ito ay isang programang pang-kooperatiba o Laboratory Cooperative para sa mga kabataan na may layuning sanayin ang mga ito sa pagtitipid, pag-iimpok at pamamahala ng pera sa murang edad pa lamang. Hangarin din nito na maihanda ang mga kabataan sa kanilang pagsali sa isang regular na kooperatiba.
Kamakailan lamang ay naitatag na sa San Vicente National High School (SVNHS) ang programang ito kung saan ay nakapaghalal na ng mga opisyal ang mga mag-aaral na Grade 9 at Grade 10 para sa kanilang kooperatiba.
Gagabayan naman ang mga ito ng Koop-Bata Focal Person at guro rin sa nasabing paaralan na si Joanne Pablico De Guzman sa tulong ni San Vicente Municipal Cooperative Development Officer Flora Mandolado.
Bilang paghahanda naman sa malawakang paglulunsad ng programang ito ay nakatakdang magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) signing sa Agosto sa pagitan ng PCDO at ng Department of Education (DepEd)-Palawan Schools Division.
Ang bawat Koop-Bata ay bubuuin ng 15 o mahigit pang mga kabataan na may edad limang taon hanggang 17 taong gulang sa ilalim ng paggabay ng isang Guardian Cooperative na rehistrado sa Cooperative Development Authority (CDA) hinggil sa pagpapatakbo at pagpaplano ng kanilang kooperatiba.
Gagawaran din ng Certificate of Recognition ng CDA ang Koop-Bata kapag makumpleto na ang mga ito ng lahat ng kinakailangang mga dokumento para sa kanilang rehistrasyon sa nasabing ahensiya. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)
Nakipagpulong kamakailan si Provincial Cooperative Development Officer Gina Socrates (Kanan) sa Department of Education (DepEd)-Palawan Schools Division sa pamumuno ni Dr. Elsie T. Barrios (kaliwa) para sa pagsasawa ng Memorandum of Agreement (MOA) Signing patungkol sa KOOP-BATA para sa Palawan Program. (Larawan mula sa PIO-Palawan)