South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. binigyang diin ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga civil society organization sa local governance, community empowerment and development. (Larawan: Danilo Doguiles/PIA Region 12)
LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato (PIA) — Mahalaga para sa Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato ang pakikilahok at pakikipag-ugnayan ng pribadong sektor sa pagpapatakbo sa lokal na pamahalaan.
Ito ang binigyang diin ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. sa pagtatapos ng kauna-unahang mga iskolar ng CSO Academy sa buong Rehiyon Dose at buong bansa nitong Miyerkules, Nobyembre 29.
Ayon kay Gov. Tamayo, ipinatupad ng South Cotabato ang CSO Academy dahil “gusto naming maintindihan ng mga CSO kung paano pinatatakbo ang gobyerno at paano ini-involve ang private sector sa governance.”
Bentahe aniya para sa mamamayan at publiko kung kasama ng pamahalaan ang mga civil society organization, people’s organization, civic groups, at mga kooperatiba sa pangangasiwa sa gobyerno.
“Mas makabubuting maramdaman ang gobyerno at governance na mayroon tayo kung ang private sector mismo ang maging involved sa governance dahil sila mismo ang nakakaramdam kung ano ang kailangan ng mga kababayan natin sa specific local government units,” paliwanag ng gobernador.
Ang South Cotabato ang kauna-unahang LGU sa buong bansa na naglaan ng pondo at nagpatupad ng CSO Academy na natatanging inisyatibo ng SOCCSKSARGEN Region.
Ang CSO Academy ay programa na magkatuwang na binuo ng Department of the Interior and Local Government 12, Department of Budget and Management 12, at mga non-government organization na Association of Foundations (AF) Philippines, Inc. at Mahintana Foundation, Inc. (MFI).
Layon nito na palakasin ang hanay ng mga civil society organization upang mas maging epektibo at mabisang katuwang ng mga lokal na pamahalaan sa pamumuno, paglatag ng mga polisiya, at pagbibigay ng serbisyo.
Ang mga LGU naman ang nagbibigay ng pondo para maisakatuparan ang CSO Academy sa kani-kanilang nasasakupan at masanay ang mga namumuno sa mga CSO sa kanilang lugar.
Naglaan ang South Cotabato LGU ng P5.4 milyon para sa mga iskolar para sa isang taong kurso na nagsimula noong Nobyembre 2022.
Ayon kay Atty. Rochelle Mahinay-Sero, DILG Provincial Director, ang South Cotabato ang natatanging provincial government ang nakakompleto na ng pagtatatag ng CSO Desk sa lahat ng city at municipal LGU nito. Nabuo na rin ng pamahalaang panlalawigan ang pag-organisa ng local people’s council sa kanyang huridikasyon na nagpapakita ng tunay na pagpapahalaga sa magiging ugnayan sa pagitan ng gobyernong lokal at pribadong sektor. (Larawan: Danilo Doguiles/PIA Region 12)
Ang unang batch ng CSO iskolar ay binubuo ng 20 mga pinuno ng mga kooperatiba, civic organizations, at foundation sa South Cotabato.
Ang kurso ay binubuo ng dalawang module. Unang bahagi nito ang “Lead to Serve” na pinamamahalaan ng Association of Foundations Philippines. Nakatutok ito sa pagpapalakas ng “internal governance” ng mga CSO.
Samantala, ang pangalawang bahagi na pinamumunuan ang DILG at DBM ay naghahanda sa mga CSO sa kanilang pakikipag-ugnayan at pakikilahok sa pamamahala ng mga lokal na pamahalaan. Tinuturo sa kanila ang mga proseso ng pamahalaan kabilang na ang pagpaplano, paglalaan ng pondo, pagpapatupad ng programa at proyekto, at monitoring at evaluation, at marami pang iba.
Matatandaang ang South Cotabato ang nag-iisang LGU sa Pilipinas na kasapi sa pandaigdigang kalipunan ng Open Government Partnership (OGP).
Naging tampok ang CSO Academy ng SOCCSKSARGEN Region sa 8th OGP Global Summit sa Estonia noong Setyembre. (DED – PIA SOCCSKSARGEN)