Palawan, mas palalakasin ang proteksyon at karapatan ng mga OFWs

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Migrant Workers (DMW), Pamahalaang Panlalawigan, Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa at mga lokal na pamahalaang bayan sa Palawan para sa lalo pang pagpapalakas ng kampanya sa Anti-illegal Recruitment and Trafficking In Persons (AIRTIP).

Isinagawa ang MOA signing kung saan pinangunahan nina DMW Undersecretary for Licensing and Abjudication Services Bernard P. Olalia at Gob. Victorino Dennis M. Socrates sa Aziza Paradise Hotel noong Nobyembre 28.

Kasama rin sa mga lumagda sa MOA sina DMW Assistant Secretary Francis Ron C. De Guzman at ang kinatawan ni City Mayor Lucilo R. Bayron na si City PESO Manager Demetrio Lopez, Jr. gayundin ang mga municipal mayors at mga kinatawan mula sa 16 na munisipyo ng lalawigan.

Nakapaloob sa kasunduan ang pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pamamagitan ng pagbibigay kaalaman sa mga kawani ng mga ahensyang may kaugnayan sa trabaho at pangingibang bansa, pagtulong sa mga biktima ng human trafficking gayundin ang paghahatid ng impormasyon sa mga mamamayan hinggil sa mahahalagang aspeto ng overseas employment upang labanan ang illegal recruitment and trafficking in persons sa lalawigan.


Pinangunahan nina DMW Undersecretary for Licensing and Abjudication Services Bernard P. Olalia at Gob. Victorino Dennis M. Socrates ang paglagda ng MOA para sa pagpapalakas ng Kampanya sa AIRTIP. Kasama rin sa mga lumagda ang kinatawan ni City Mayor Lucilo R. Bayron na si City PESO Manager Demetrio Lopez, Jr. (Larawan mula sa PIO-Palawan)

Bahagi rin ito ng Philippine Development Plan 2023 to 2028 Strategy Framework to Strengthen Social Protection.

“We need to protect our main clients which is the Overseas Filipino Workers o ang mga minamahal na mga bagong bayani nating itinuturing. Our national policy is to provide the framework for our OFWs. Overseas employment is a matter of choice rather than a matter of necessity,” mensahe ni Olalia.

Sa mensahe naman ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates, sinabi nito na mahalaga ang nasabing kasunduan para sa proteksyon ng mga migrant workers na ang madalas na nagiging biktima ay kababaihan. Aniya, mabuting pataasin ang kamalayan ng komunidad lalo na ng mga lokal na opisyal sa lalawigan, kung kaya’t importante ang papel na ginagampanan ang mga municipal Mayors na nakiisa sa kasunduan.

Matapos malagdaan ang kasunduan ay sinundan ito ng AIRTIP campaign seminar na dinaluhan ng mga PESO managers at representatives, social workers at law enforcers.

Tinalakay ng mga resource speakers ang mga programa sa ilalim ng TESDA at OWWA; mandato ng DMW at overview ng isinasagawang kampanya; Law on Illegal Recruitment; Modus Operandi of Illegal Recruitment; 10 Reminders to Avoid Illegal Recruitment, Trafficking In Persons, Online Scams, and Apat Dapat, at Law on Trafficking in Persons Forced Labor. (OCJ/PIA-MIMAROPA – Palawan)

In other News
Skip to content