Palawan, nananatiling ‘dark green zone’ o free zone sa ASF

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nananatiling nasa ‘dark green zone’ o free zone sa African Swine Fever (ASF) ang buong lalawigan ng Palawan.

Sa impormasyong ibinahagi ng Provincial Information Office (PIO) ng Pamahalaang Panlalawigan, natanggap na ng Tanggapan ng Gobernador ang liham na ipinadala ni Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) Director Paul C. Limson kung saan kinatigan nito ang kahilingan ng Provincial Veterinary Office (PVO) na manatiling nasa ‘dark green zone’ ang bayan ng Magsaysay at ang buong lalawigan ng Palawan dahil isolated lamang ang pagkakaroon ng kaso ng ASF sa isla ng Cocoro sa nabanggit na bayan.

Matatandaan na ang insidente ng ASF sa isla ng Cocoro ay maagap na nasugpo ng PVO bunsod na rin ng mga hakbang na naisakatuparan sa lugar upang maiwasan itong lumaganap sa iba pang bahagi ng lalawigan.

Dahil sa mga hakbang na ito ng PVO ay ginawaran din ng DA-BAI ng Recognition of Active Surveillance for African Swine Fever (RAS-ASF) Certificate ang mga bayan ng Cuyo at Magsaysay matapos na mag-negatibo ang dalawang bayan sa ASF sa isinagawang testing nitong nakalipas na Setyembre 18-19, kung saan nangangahulugan na hindi na kumalat ang ASF mula sa nasabing island barangay.

Pinapurihan din ng DA-BAI ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office sa pangunguna ni Dr. Darius Mangcucang gayundin ang mga LGU katuwang ang DA Regional Field Office Mimaropa sa naging maagap na aksiyon upang mapigilan ang paglaganap ng ASF sa iba pang parte ng Palawan.

Patuloy naman ang pagpapaalala ng PVO sa publiko na sundin ang mga ipinatutupad na hakbang ng {amahalaan upang maiwasan ang pagpasok ng iba’t ibang sakit ng mga hayop sa lalawigan. (OCJ/PIA Mimaropa – Palawan)

Larawan sa itaas mula sa PIO – Palawan

In other News
Skip to content