Palawan, pangalawa sa top seaweeds producing provinces sa Pilipinas

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Ang probinsya ng Palawan ay pangalawa sa top seaweeds producing provinces sa Pilipinas, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-MIMAROPA.

Sinabi ni  BFAR MIMAROPA OIC-Regional Director Roberto R. Abrera na 20 porsiyento ng produksiyon ng seaweed sa bansa ay mula sa MIMAROPA Region, kung saan 98 porsiyento ng produksiyon ng MIMAROPA ay mula naman sa lalawigan ng Palawan. Tinatayang nasa 300,000 metric tons ng seaweed ang napo-produce ng Palawan kada taon.

“Ang production natin [Pilipinas] ngayon ay nasa 1.600M metric tons, 20 percent dito ay mula sa MIMAROPA at 98 percent naman ng production ng MIMAROPA ay mula sa Palawan,” pahayag ni Abrera.

Kaugnay ng pagpapalakas ng seaweed industry sa bansa, isinagawa sa Lungsod ng Puerto Princesa noong Nobyembre 7-8, 2024  ang 4th Philippine National Seaweed Congress na may temang “Maganda ang Presyo, Kung ang Kalidad ng Gulaman ay Husto.”

Ang pagtitipon ay dinaluhan ng nasa 400 seaweed farmers mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Nasa 30 seaweed farmers naman mula sa Palawan ang dumalo sa nasabing aktibidad, kung saan kinatawan ng mga ito ang nasa 10,000 seaweed farmers ng Palawan.

Ayon kay Abrera, malaking oportunidad ang congress na ito para sa mga seaweed farmers ng Palawan upang matutunan ng mga ito ang mga bagong teknolohiya at innovation sa seaweed farming. Maging ang mga best practices ng ibang probinsiya tulad ng Tawi-Tawi na top producing province ng seaweed ay magiging gabay din nila sa kanilang pagsasaka.

Tampok naman sa congress exhibit ang iba’t ibang produktong gawa sa seaweeds mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa tulad ng seaweed pancit canton, seaweed chips, seaweed pickles, seaweed salvaro, seaweed chicharon, seaweeds polvoron at marami pang iba.

Si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang naging keynote speaker sa congress, kung saan inanunsiyo niya ang paglalaan ng ahensiya ng P1 bilyong pondo para sa seaweed industry ng bansa sa susunod na taon. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

In other News
Skip to content