PALECO, BPPGI lumagda sa isang power supply agreement sa Palawan

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Lumagda sa isang Power Supply Agreement (PSA) ang Palawan Electric Cooperative (PALECO) at Brooke’s Point Power Generation Incorporated (BPPGI) noong Agosto 23, 2023 na isinagawa sa lungsod.

Alinsunod sa nasabing power supply agreement, magtatayo ng isang 7MW Multi-feedstock Biomass Power Plant ang BPPGI sa Brgy. Tubtub na gagamit lamang ng mga nabubulok o biodegradable na bagay tulad ng ipa ng palay, bao o bunot ng niyog, saging at iba.

Ang nasabing PSA ay may 20 taong kontrata at pangunahing susuplayan nito ng kuryente ay ang bayan ng Brooke’s Point maging ang mga karatig bayan nito tulad ng mga bayan ng Bataraza at Sofronio Espaňola.


Ang paglagda ng PALECO at BPPGI sa isang Power Supply Agreement (PSA) kamakailan. (Mga larawan mula sa PALECO)

Magsisimula ang commercial operation ng nasabing planta kapag naaprubahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang nilagdaang PSA.

Ayon sa PALECO, inaaasahan na makakatulong ang karagdagang suplay ng kuryente mula sa BPPGI na magkaroon ng matatag at maaasahang kuryente ang mga miyembro ng Kooperatiba.

Ang mga lumagda sa PSA ay sina PALECO Board of Directors (BODs) Chairperson Efren B. Abejo, PALECO General Manager Engr. Rez L. Contrivida, BPPGI Chairman and President Rodrigo S. Ko at BPPGI Corporate Secretary Jose L. Co.

Sinaksihan naman ito nina Ed Lacandazo, Municipal Administrator ng Brooke’s Point at Atty. Marissa P. Cerezo, Renewable Energy Management Bureau (REMB) Director ng Department of Energy (DOE).

Ang BPPGI ay hindi na dumaan pa sa isang Competitive Selection Process (CSP) dahil mayroon itong Certificate of Exemption (COE-CSP-2023-05-020) mula sa DOE alinsunod sa Section 2.2.1.3 ng DOE Department Circular No. 2021-09-0030. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

In other News
Skip to content