LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Pinagkalooban ng tulong pinansyal ng Pamahalaang Panlalawigan ang 17 indibidwal na naapektuhan ng pagsabog sa isang establisyemento sa lungsod ng Calapan sa Governor’s Conference Room, Provincial Capitol noong Agosto 2. Tumanggap ang bawat isang biktima ng halagang P10,000 bilang dagdag medikal na tulong sa mga ito. Ang pondong ginamit para sa naturang pamamahagi ay mula mismo sa tanggapan ng Gobernador.
Pinangunahan naman nina Governor Humerlito “Bonz” Dolor at Vice Governor Ejay Falcon ang naturang gawain kasama sina Bokal Juday Servando at Aleli Casubuan.
Bukod naman sa tulong pinansyal, nagkaloob din ang Pamahalaang Panlalawigan ng tulong edukasyon at gamot para sa mga anak ng mga naging biktima ng pagsabog.
Samantala, sinabi naman ni Gov. Dolor na ito ay paunang bugso pa lamang ng tulong ng pamahalaan sa kanila, makaaasa aniya ang mga biktima na hindi sila iiwan ng pamahalaan sa panahon ng pangangailangan.
Pasasalamat naman ang ipinahatid ni Junjay Magsumbol, residente ng Brgy. Lazareto sa lungsod ng Calapan at isa sa mga naapektuhan ng naturang insidente. Ayon kay Magsumbol, malaking tulong ang ibinigay ng pamahalaan sa kanila lalung-lalo na sa kanilang pagpapagamot. Hiling din nito na sana ay huwag sila pabayaan ng pamahalaan habang sila ay nasa proseso pa ng pagpapagaling. (JJGS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)
Pinulong nina Governor Humerlito Bonz Dolor at Vice Governor Ejay Falcon ang mga naapektuhan ng pagsabog sa isang establisyemento sa Lungsod ng Calapan. Isiniguro ng punong ehekutibo na hindi nila pababayaan ang mga ito lalung-lalo na ngayon na sila ay nagpapagaling.