Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, nakiisa sa Travel Tour Expo 2023
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Provincial Tourism Promotions and Development Office (PTPDO) sa isinagawang 30th Philippine Travel Agencies Association (PTAA) Travel Tour Expo 2023 kamakailan na ginaganap sa SMX Convention Center, Pasay City.
Layunin ng paglahok ng pamahalaang panlalawigan sa naturang aktibidad na lalo pang maipakilala ang mga magagandang destinasyon pangturismo, kultura at tradisyon ng Palawan at hikayatin ang mga magtutungo sa travel expo na bumisita at magbakasyon sa lalawigan.
Ang Philippine Travel Agencies Association ay ang pinakamalaking travel agency association sa Pilipinas na kasalukuyang ding nagdiriwang ng Pearl anniversary nito.
Iba’t-ibang mga aktibidad naman ang natunghayan sa nasabing expo tulad ng live performances, cultural dance competition, raffle draws tulad ng free airfare, additional accommodation at travelling discounts mula sa mga exhibitors.
Sa 2023 Sayaw Pinoy Cultural Dance Competition kaugnay ng Travel and Trade Expo 2023 ay itinananghal sa 1st Runner-Up ang Palawan Dance Ensemble ng pamahalaang panlalawigan.
Ang lalawigan ng Palawan ang napili ng DOT para kumatawan sa Rehiyong Mimaropa sa nasabing patimpalak ngayong taon.
Pinangangasiwaan naman nina PTPDO Marketing Chief Arnoldo Valdez, Jr. kasama ang mga kinatawan ng Palawan Tourism Council (PTC) na sina Ms. Salvacion Era ng El Mundo Travel and Tours at James Lawrence Gomez ng Coron Hilltop View Resort ang grupo ng Palawan exhibitors. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Sa 2023 Sayaw Pinoy Cultural Dance Competition kaugnay ng Travel and Trade Expo 2023 ay itinananghal sa 1st Runner-Up ang Palawan Dance Ensemble ng pamahalaang panlalawigan. (Larawan mula sa PIO-Palawan)