LUCENA CITY (PIA) — Nakiisa ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa selebrasyon ng National Disaster Resilience Month ngayong Hulyo na may temang “BIDAng Pilipino: Building a Stronger Filipino Well-being towards Disaster Resilience.”
Pinangunahan ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang motorcade.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni PDRRMO Head Dr. Melchor Avenilla Jr. ang kahalagahan ng pagdiriwang gayundin ng napagtagumpayan ng pamahalaang panlalawigan sa patuloy na pagsusulong ng kahandaan.
Ibinahagi ni Avenilla na isa ang lalawigan ng Quezon na kinilala bilang “beyond compliance” sa Gawad Kalasag na parangal mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Iniulat din nito na mahigit 1,700 indibidwal na ang binigyan ng pagsasanay patungkol sa paghahanda na may kinalaman sa basic life support, standard first aid, incident command system, emergency operation center and water search and rescue for retrieval at marami pang iba.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang panunumpa sa katungkulan ng mga miyembro ng bagong tatag na STAND UPPP Media Network na pinangunahan ng kanilang pangulo na si Gemi Formaran.
Ang STAND UPPP Media Network ay katuwang ng Quezon PDRRMO sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga mamamayan ng Quezon kapag may mga dumarating na kalamidad sa lalawigan at ng mga kaalaman ukol sa paghahanda sa kalamidad.
Nagkaloob naman ng rain gauges at weather station equipment ang National Grid Corporation of the Philippines sa PDRRMO bilang bahagi ng kanilang DRRM early warning system project.
Dumalo rin sa aktibidad si Quezon Gov. Helen Tan na nagpasalamat sa lahat ng mga nakiisa sa selebrasyon ng National Disaster Resilience Month sa lalawigan.
“Sa lahat ng pagsubok at problema, dapat lang tayong magkaisa at magtulungan upang ito’y malagpasan,” pahayag ng gobernador. (Ruel Orinday- PIA Quezon)