LTFRB Chair Atty. Teofilo Guadiz III
LUNGSOD QUEZON, (PIA) –Sisimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bukas, Setyembre 13 ang pamamahagi ng subsidiya sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan, bilang tulong sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kabilang sa mga mabibigyan ng subsidiya ang mga operator ng mga pampublikong dyip o PUJ, Filcabs, UV Express (UVE), minibuses, pampublikong bus o PUB, Shuttle Services, Taxis, Tourist Transport Services, School Transport Service, Transportation Network Vehicle Services, Delivery Services, at Tricycle.
Partikular na makatatanggap ng P10,000 na subsidiya ang bawat operator ng modern PUJs at UVEs na kwalipikado sa programa. Habang P6,500 naman ang ipamamahagi sa kada operator ng iba pang nabanggit na pampublikong sasakyan, modern man ito o hindi.
Samantala, sa pangunguna ng Department of Information & Communications Technology (DICT) at Department of Trade & Industry (DTI), bibigyan naman ng nagkakahalagang P1,200 na subsidiya ang bawat delivery service rider na kwalipikado sa programa, habang P1,000 naman ang ipagkakaloob sa mga tsuper ng tricycle sa pangangasiwa ng Department of Interior & Local Government (DILG).
Paliwanag ni LTFRB Chair Atty. Teofilo Guadiz III, walang uri ng pampublikong sasakyan ang papaboran para sa pagbibigay ng subsidiya dahil lahat ng mga nangangailangan nito, modern man o hindi, ay makatatanggap bagama’t iba-iba ang halaga.
“Ang halaga po kasi na inilaan sa bawat benepisyaryo ng subsidiya ay nakadepende kung gaano karami ang produktong petrolyo na kinokonsumo ng kanilang pampublikong sasakyan,” paliwanag ni Guadiz.
“Pero nais ko pong linawin na pakikinabangan po ito ng lahat. Modern man o hindi. Consolidated man o hindi. Ang subsidiya na ito ay para po sa lahat ng ating mga operator na nahihirapan dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo,” dagdag pa ni Guadiz.
Batay sa taya ng DOTr at LTFRB, nasa 1.36 milyon na mga operator ang makatatanggap ng subsidiya.
Sa nasabing bilang, 280,000 na unit ng public utility vehicles (PUVs) ang makikinabang sa programa, habang 930,000 ang tricycle at 150,000 naman ang mga delivery service.
Ipamamahagi ang subsidiya sa pamamagitan ng digital banking tulad ng e-wallet accounts, bank accounts, at fuel subsidy card na dati nang nakarehistro sa mga benepisyaryo ng FSP.
Upang maging kwalipikadong benepisyaryo sa naturang programa, kinakailangan lamang na mayroong bisa ang prangkisa ng pampublikong sasakyan o nakarehistro ito sa LTFRB.
Ang pamamahagi ng fuel subsidy ay batay sa nilagdaang Memorandum of Agreement at Joint Memorandum Circular No. 02, series of 2023, ng Department of Transportation (DOTr), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Budget and Management (DBM), Department of Energy (DOE), LTFRB, at Land Bank of the Philippines (LBP). (ltfrb/pia-ncr)