Pamamahagi ng libreng tilapia fingerlings at kaugnay na pagsasanay, tiniyak ng BFAR

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Tiniyak ni Edgar Payas, Provincial Officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Occidental Mindoro na ipagpapatuloy ng kanilang ahensya ngayong taon ang pamamahagi ng tilapia fingerlings at pagsasagawa ng mga pagsasanay sa pag-aalaga ng nasabing isda.

Sa panayam kay Payas, sinabi nito na ang programa ng pamamahagi ng mga tilapia ay suporta ng BFAR sa backyard fish farming project ng iba’t ibang samahan na inaasahang makatutulong sa kasapatan ng pagkain sa bansa at dagdag-pagkakakitaan ng mga benepisyaryo. Nitong 2022, nagkaloob ang BFAR ng mga tilapia fingerlings sa mga bayan ng San Jose, Rizal, Calintaan, Sablayan, Mamburao, Magsaysay at Abra de Ilog.

Ayon pa kay Payas, ang programa sa pamamahagi ng fingerlings ay pinangungunahan ng Brackishwater and Inland Fisheries Research Station na matatagpuan sa Oriental Mindoro.

“May Training Division ang BFAR Mimaropa,” ani Payas. Ang tanggapang ito ang nangunguna sa pagbibigay ng iba’t ibang uri ng pagsasanay na may kaugnayan sa Fishery.  Kabilang sa mga training na pinangunahan na ng BFAR ang pag-proseso ng isda tulad ng pagdadaing, pagtutuyo at paggawa ng bagoong, gayundin ang tilapia culture na kadalasang itinuturo sa mga tilapia backyard farming operator. “Tiyakin lamang na isasama sa request letter ng mga samahang benepisyaryo ang uri ng pagsasanay na kanilang kailangan,” dagdag ni Payas.

Sinabi pa ni Payas na para sa pagsusumite ng mga kahilingan sa BFAR, ang mga interesadong samahan ng mga mangingisda at iba pang mga kooperatiba ay maaaring magsadya sa mga Municipal Agriculture Office ng bawat munisipyo sa probinsya. Ang mga ito na aniya ang makikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan. (VND/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content