LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Tumanggap kamakailan ang Panaytayan Elementary School sa bayan ng Mansalay ng solar-powered Starbooks mula sa Department of Science and Technology-Science and Technology Information Institute (DOST-STII) at Mountain Support Philippines, Inc. (MSPI).
Ang Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated Kiosk Stations (Starbooks) ay isang proyekto ng DOST upang mapahusay ang access sa siyentipikong edukasyon ng mga mag-aaral.

Ayon sa social media post ng DOST, katuwang nila ang MSPI sa pagkakabit ng nasabing kiosk kung saan mapapakinabangan ito ng 330 mag-aaral at 12 guro ng nasabing paaralan.
Dagdag ng DOST, hatid ng Starbooks ang malawak na impormasyon tungkol sa agham, teknolohiya, at iba’t ibang mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa makabagong inobasyon.

Kasabay ng pamamahagi ng Starbooks ang oryentasyon at pagsasanay ng mga guro ng paaralan kung paano magagamit nang epektibo ng mga mag-aaral. Nagkaloob din ang MSPI ng dalawang portable solar power station at dalawang laptop sa paaralan. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)
Mga Larawang Kuha ng Department of Science and Technology (DOST)