PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Maaari nang muling manghuli ng isdang galunggong o round scads ang mga “commercial fishing” sa northern Palawan matapos ang ipinatupad na “closed season” dito noong Nobyembre 1, 2024 hanggang Enero 31, 2025.
Ang open season sa panghuhuli ng isdang galunggong ay nagsimula noong Pebrero 1 at magtatagal hanggang Oktubre 31. Sa mga panahong ito lamang pinapayagan ang mga commercial fishing na manghuli ng galunggong.
Matatandaan na may ipinatutupad ang closed season sa isdang galunggong simula noong 2015 batay sa Joint Administrative Order No. 1 series of 2015 ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Agriculture (DA).
Layon nito na mabigyan ng pagkakataon na lumaki at dumami ang mga isdang nabanggit sa panahon ng kanilang pangingitlog at upang mapanatili at magkaroon ng maraming suplay nito sa merkado.

Ayon kay BFAR-MIMAROPA Regional Director Roberto Abrera, naging epektibo ang implementasyon ng “closed fishing season” ng galunggong sa Palawan sapagkat ito ay nagbunga ng positibong resulta batay sa siyentipikong datos na nakalap ng National Stock Assessment Program (NSAP) ng National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI).
“Ngayon naka-science based pa rin tayo. Mga siyam na taon na tayong nagko-closed season ay talagang maganda ang resulta, maganda ang resulta in the sense na ang stock natin ay dahan-dahan nang nakakarecover,” pahayag ni Abrera.
Batay naman sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang produksiyon ng galunggong sa Palawan mula 7,507 metric tons noong 2016 hanggang 8,146.84 metric tons noong 2022 dahil sa hakbang na ito ng BFAR.
Ayon sa BFAR-MIMAROPA, karamihan ng galunggong na dinadala sa Metro Manila at ibinabagsak partikular sa Navotas Port ay nagmula sa Palawan.

Dagdag pa ni Abrera na ito na ang ika-siyam na pagpapatupad ng closed at open season sa galunggong at ipagpapatuloy ito ng BFAR hanggang sa manumbalik ang dami ng nasabing isda sa karagatan ng northern Palawan.
Dagdag pa niya na hindi naman apektado nito ang mga maliliit na mangingisda sa northern Palawan.
Sa pagpapatupad ng closed season simula Nobyembre 1 hanggang Enero 31 sa susunod na taon ay mahigpit nang ipinagbabawal ng BFAR ang paggamit ng purse seine, ring net, at bagnet sa paghuli ng galunggong sa loob ng conservation area sa hilagang-silangan ng Palawan.
Sa kasalukuyan nasa P100 hanggang P150 ang presyo ng galunggong kada kilo sa mga pamilihang bayan sa Palawan at umaasa naman ang mga manininda ng isdang galunggong sa lalawigan na bababa na ang presyo nito ngayong bukas na muli ang panghuhuli ng nasabing isda. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)