LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Ipinabatid ni Parole and Probation Administration (PPA) Regional Officer-In-Charge Janette S. Padua na ang mga nakulong o nasintensiyahan sa salang hindi sinasadya o anumang uri ng kaso ay mayroong batas na nagbibigay ng pribilehiyo sa mga person deprived of liberty (PDL) na maaring makalaya o mabigyan ng kalayaan sa pamamagitan ng probation, parole at executive clemency.
Ayon kay Padua ang probation ay isang uri ng batas at ibinibigay sa mga una pa lamang nasintensiyahan at may hatol na hindi lalampas sa anim na taon at iba pang kwalipikasyon na nakasaad sa Sec. 9 ng Presidential Decree 968.
Sa batas naman ng Parole ay kailangan munang makulong ng pinakamababang sintensiya ang isang PDL hindi tulad sa probation na simula ng mahuli ng mga otoridad ay mayroon itong pagkakataon na makapagpiyansa o maaring makamit ang pansamantalang paglaya habang gumugulong ang imbestigasyon at kwalipikadong mapabilang sa probation.
Ngunit, kung ang hatol ay lumabis ng anim na taon ay maaari ng mag-aplay ng parole kapag natapos na ang pinakamababang sintensiya at kwalipikado rin sa iba pang mga rekisitos na nakasaad sa saligang batas na ipinagkaloob ng board of pardons and parole para makalaya, ayon kay Padua.
Samantala, sa may malalang kaso o mahabang panahon ng sintensiya na kung saan nakasaad sa 1987 Constitution ay maaaring samantalahin ang tinatawag na “conditional pardon” na ipinagkakaloob lamang ng Pangulo ng Pilipinas.
Sabi pa ni Padua, “Mandato ng aming ahensiya, ang baguhin ang buhay ng mga nakakulong sa panahong ito ay makalaya upang magkaroon ng bagong buhay at pag-asa sa pamamagitan ng pakikipagtuwang namin sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na naglalaan ng mga programang pangkabuhayan ng sa gayo’y mabago ang pamamaraan ng kanilang buhay at maibalik ang integridad para muling makasalamuha ang pamilya at lipunan na ginagalawan nito.” (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)