Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara na may suporta ng DOH ang mga mungkahing amyenda sa UHC Act

MANILA— Sa malakas na suporta ng Department of Health (DOH), ipinasa ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa kahapon, Enero 28, 2024 ang House Bill (HB) No. 11357 na naglalaman ng serye ng mga panukalang pag-amyenda sa halos anim na taong gulang na Republic Act No. 11223, na kilala rin bilang Universal Health Care (UHC) Act. Isang priority measure ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC), ang katapat nitong panukala sa Senado (Senate Bill o SB 2620) ay nakapasa na sa mataas na kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa noong Agosto 27, 2024.

Kilala bilang “An Act Strengthening the Philippine Healthcare System to Achieve Efficiency and Equity, and to Improve Public Health Emergency Preparedness,” ang HB 11357 ay inakda at itinaguyod ni Committee on Health Chair Rep. Ciriaco B. Gato, Jr., MD (Lone District ng Batanes) kasama ang 67 iba pang co-authors. Pinagsasama-sama nito ang 26 na panukala na inihain sa parehong paksa. Si Acting Committee on Appropriations Chair Rep. Stella Luz A. Quimbo, PhD (Second District, Marikina City) ay nagpakilala ng 13 na individual amendments, na lahat ay tinanggap ng sponsor at ng mayorya.

Kabilang sa mga pangunahing tampok ng iminungkahing mga pagbabago sa Kamara sa UHC Act ay ang mga sumusunod, bukod sa iba pa:

• Ang mga premium contribution rates para sa lahat ng miyembro ng PhilHealth ay itatakda sa 3.5% mula sa kasalukuyang 5% na rate, at pagkatapos ay ia-adjust bawat taon batay sa actuarial studies na susuriin ng isang non-government, impartial, at credible independent body at aaprubahan ng Kongreso sa panahon ng proseso ng badyet;

• Ang mga migranteng manggagawa (land- or sea-based man) ay hindi na kailangang magbayad ng anumang mga premium. Ang kanilang mga employer ay kinakailangan na bayaran ang 50% ng kung ano ang dapat nilang bayaran habang ang natitira ay papasanin ng national government;

• Ang administrative expense kasama na ang pasweldo ng PhilHealth ay magiging maximum na 7.5% ng kabuuang pagbabayad ng benepisyo nito mula sa nakaraang taon, imbis na 7.5% ng kabuuang koleksyon ng premium nito;

• Ang mga component cities at municipalities ay maaari na ngayong magtatag at/o magpanatili ng sarili nilang mga Special Health Fund, na may mga patnubay na gagawin ng DOH sa pagsangguni sa Department of Budget and Management (DBM) at ng UHC Coordinating Council (UHC-CC); at

• Isang bagong UHC Coordinating Council (UHC-CC) ang bubuuin kasama ang mga kasalukuyang opisyal bilang mga miyembro, na pinamumunuan ng Secretary of Health at ng Secretary of the Interior and Local Government, upang paigtingin at mapabilis ang pagpapatupad ng UHC sa parehong national at sub-national levels sa pamamagitan ng diskurso sa patakaran at pagtutulungan sa pagpapatakbo.

“Alam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., bilang dating gobernador ng isang probinsiya, na ang puso ng UHC ay kung nasaan ang operations. Ang kanyang malawak na pananaw na pambansa na nakaugat sa pagkilos ng local government ang nagbibigay inspirasyon sa DOH habang aming sinusuportahan ang Kamara at ang Senado sa pagpapabuti ng ating UHC Act,” sabi ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa. “Ako ay partikular na nagpapasalamat sa amyenda ni Rep. Stella Quimbo na mag-aatas sa PhilHealth na kalkulahin ang badyet at pasweldo nito batay hindi sa kung magkano ang makokolekta nito, ngunit kung magkano ang benepisyong babayaran nito. Inaasahan namin na makita ang panukalang ito na maging batas sa lalong madaling panahon,” dagdag ng hepe ng kalusugan. (DOH)

In other News
Skip to content