Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nagpapaliwanag na ang landas na tinatahak ng bansa para sa kapayapaan at kaunlaran ay malinaw ngayong nasa ikatlong taon na ang kanyang administrasyon. Pinatututukan ang kalagayan ng mga pamahalaang lokal habang muling binigyang diin ang kahalagahan ng pagtatanggol sa pambansang teritoryo at soberanya sa kanyang pagbisita sa Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan. (PCO)
LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE (PIA) — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maliwanag ang direksiyon ng Pilipinas sa tuluy-tuloy na kaunlaran at kapayapaan, sa kanyang pagbisita sa lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.
Kaya naman para matupad at patuloy na maramdaman ito ng karaniwang mga mamamayan sa mga lalawigan, pinatutukan ng Pangulo ang kalagayan ng mga pamahalaang lokal.
Partikular dito ang katiyakan na natatamo ng mga pamahalaang lokal ang nararapat para sa kanila upang tumugon sa pangangailangan ng kani-kanilang nasasakupan.
Matatandaan na ang administrasyong Marcos Jr. ang nagpasimula na maipatupad ang 2019 Mandanas-Garcia ruling ng Korte Suprema.
Pinagtitibay nito na dapat may 40 porsyiento na bahagi ang mga pamahalaang lokal sa lahat ng uri ng buwis na nakokolekta ng pamahalaang nasyonal.
Ani pa ng Pangulo, tunay na mahalaga ito upang lubos na matulungan at maalagaan ang mga mamamayan na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Isa sa target ng administrasyon na matamo ang pagiging isang high middle-income na ekonomiya upang makapagbukas ng maraming oportunidad sa trabaho, edukasyon, sariling tahanan, at abot-kayang pagkain.
Samantala, habang nakatutok ang Pangulo sa lalong pagpapalakas pa ng mga pamahalaang lokal, binigyang diin niya na hindi dapat bitawan ang paninindigan at pagtatanggol sa pambansang teritoryo at soberanya.
Kinakailangan aniyang kakambal ng kapayapaan ang kaunlaran.
Nagsisilbing haligi at saligan nito ang dalawang pangunahing batas na kanyang nilagdaan kamakailan tungkol sa teritoryong pandagat ng Pilipinas.
Una rito ang Republic Act 12064 o Philippine Maritime Zones na partikular na tumutukoy sa internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone at continental shelf na naaayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Habang ang Republic Act 12065 o Philippine Archipelagic Sea Lanes na nagtatakda ng partikular na ruta na dapat lamang paglayagan ng lahat ng uri ng sasakyang pandagat. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)