Nagpahayag noong Miyerkules si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang paghihimok sa mga embahador ng Pilipinas na maghanap ng mga tinatawag na ‘non-traditional’ partners sa kalakalan, at pangangailangan sa seguridad at depensa ng bansa.
Sa isang pulong sa Malacañang kasama ang mga katatalaga lang na mga chiefs of mission at mga envoy ng Pilipinas, binigyang-diin ng Pangulo na sa kasalukuyang pandaigdigang kalagayan na nagbabago dahil sa ‘pandemic economy,’ kailangan harapin ng Pilipinas ang mga pagbabagong ito upang hindi mapag-iwanan.
Gayunpaman, ipinunto ng Pangulo na nananatiling neutral ang kanyang administrasyon pagdating sa foreign policy, na hindi kumakampi sa pananaw ng ibang mga bansa.
Hinihimok din ni Marcos ang mga envoy na suriin at talakayin ang mga oportunidad o proyektong maaaring malaki ang pakinabang sa bansa at sa mga Pilipino.
Dumalo rin sa pulong kasama ang Pangulo sina Chief of Mission Carlos Deymek Sorreta, Permanent Representative of the Philippines to the United Nations sa Geneva, Switzerland; Ambassadors Extraordinary and Plenipotentiary Henry Sicad Bensurto Jr. (Republic of Turkiye), Renato Pedro Oabel Villa (Kingdom of Saudi Arabia), Raul Salavarria Hernandez (Sultanate of Oman), Paul Raymund Pasion Cortez (Portuguese Republic), Joel Francisco Ignacio (Republic of India), at Maria Angela Abrera Ponce (Malaysia). (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)