CITY OF STO. TOMAS, Batangas (PIA) — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paiigtingin pa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Kadiwa program sa bansa upang matulungan ang mga magsasaka, maliliit na negosyo, at mga mamimili na makabangon mula sa epekto ng pandemya.
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Marcos sa paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo sa Lungsod ng Sto. Tomas ngayong Miyerkules, Marso 1. Ito na ang ikatlong Kadiwa ng Pangulo na binuksan matapos ang matagumpay na paglulunsad nito sa lungsod ng Maynila ngayong umaga at sa Cebu City noong Lunes.
“At bukod pa roon, ang ginagawa natin ay binibigyan din natin ng pagkakataon ang mga local MSMEs na talagang nahirapan noong lockdown, noong kalakasan ng pandemya. Kaya’t ito ay pagkakataon para ‘yung mga produkto naman na ginagawa ng mga lokal ay mabigyan ng merkado para mayroon silang mapuntahan at ipagbili ang kanilang mga magagandang produkto,” ani Pangulong Marcos.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Pangulong Marcos na siya ring Kalihim ng Department of Agriculture (DA), sa mga katuwang na ahensiya ng gobyerno at iba pang stakeholders sa matagumpay na pagpapatupad ng proyektong Kadiwa at nangakong palalawigin pa nito ang program.
“Sana naman po ay ito po ay pinaparami po namin. Hindi lang po rito sa Sto. Tomas, hindi lang po sa Maynila, kung hindi pati na sa iba’t ibang lugar sa buong Pilipinas. At sa huling bilang ko ay nakalampas na tayo sa 500 na Kadiwa na ginagawa sa buong Pilipinas,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin pa ng Pangulo na ang pagkakaroon ng ganitong programa ay isang magandang halimbawa ng pagsasama sama at pagkakaisa ng lahat ng sektor mula sa ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, mga maliit na negosyo, magsasaka at lahat ng stakeholders upang makapagbigay ng mga de-kalidad na produkto at makapagbigay ng ibayong pag-unlad ng programang Kadiwa sa buong bansa.
“Kaya’t pararamihin po natin ‘yan kagaya nga… Basta’t nagkakaisa at nagsasama lahat ng ahensya ng pamahalaan, lahat ng local government, at lahat ng ating mga producers, kasama na ang ating mga magsasaka ay ‘yan po ay makikita natin magiging matagumpay po itong programang ito,” dagdag nito.
Tampok sa mas pinalawig na Kadiwa program ng pamahalaan ang mga sariwa at abot-kayang halaga ng mga produkto hatid ng nasa 37 na samahan at kooperatiba ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon.
Ang Kadiwa ay isang market linkage facilitation program ng DA na layong makapaghatid ng mga abot-kayang presyo ng mga produkto gaya ng isda, karne, prutas, gulay, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga mahihirap na Pilipino.
Samantala, ipinagkaloob din ng DA sa pangunguna ni Assistant Secretary for Consumer and Political Affairs Kristine Evangelista ang P12.4M halaga ng tulong sa pamahalaang lungsod ng Sto. Tomas na malugod namang tinanggap ni Mayor Arth Jun Marasigan.
Ayon kay Asec. Evangelista, ang naturang grant ay para sa patuloy na pagpapalago at pagpapayabong ng kasanayan at kakayahan ng mga magsasakang Tomasino lalo na at isa ang lungsod ng Sto. Tomas sa may magagandang programang pang-agrikultura at nagsusulong ng organikong pamamaraan ng pagsasaka.
“Nagkaroon kami ng inisyal na usapan ni Mayor Marasigan na humihiling na isagawa ang ganitong aktibidad tuwing araw ng swelduhan, dalawang beses kada buwan at kapag naging mas maayos ay maaaring gawing lingguhan dahil nakita nila ang magandang bunga ng ganitong programa na malaki ang naitutulong sa ating mga magsasaka at MSME’s,” ani Evangelista. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)