BAMBANG, Nueva Vizcaya (PIA) – Namahagi ng tulong pinansiyal at relief goods si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa mga nasalanta ng bagyong ‘Pepito’ sa Nueva Vizcaya.
Sa kanyang pagbisita ay isinama nito ang mga miyembro ng kanyang gabinete kung saan pinangunahan din nito ang inspection sa mga nasirang mga imprastratura..
Pinangunahan din ng Pangulo ang pamimigay ng food packs sa 2,000 na mga mamamayan ng Bambang bilang relief assistance sa mga nasalanta ng nasabing bagyo.
Namahagi din ang Department of Social Welfare and Development ng P5,000.00 cash assistance sa 500 na mga typhoon victims na nawasak ang kanilang mga bahay.
Ang financial assistance ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations ng ahensiya.
Nagbigay din ng P50 million na tulong si President Marcos, Jr. sa lalawigan kung saan tinanggap ito ni Governor Jose Gambito.
Si President Marcos, Jr. ay sinamahan ng mga lokal na opisyal ng bayan at lalawigan sa pangunguna ni Mayor Benjamin Cuaresma III at Representative Luisa Cuaresma kasama ang mga ibang provincial officials, municipal mayors , vice mayors, councilors at barangay officials.
Ayon sa pangulo, pangungunahan ng Department of Public Works and Highways ang pagpapaayos sa mga nasirang bahagi ng by-pass Road sa Bambang.
Dagdag pa ng pangulo magtutulungan ang mga ahensiya ng pamahalaan upang maibigay ang mga pangangailangan ng mga mamamayan na nasalanta ng kalamidad.
“Walang dapat ikabahala ang ating mga mamamayan dahil mayroon tayong nakalaang tulong para sa inyo,” pahayag ni President Marcos, Jr..
Pinuri din ni Pangulong Marcos, Jr. ang serbisyo ng mga local government units na siyang nanguna sa pagtulong sa mga typhoon victims pati na rin ang mga nasa privae sektor sa kanilang insiyatibo upang magbigay ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
“Titiyakin natin na meron tayong sapat na maibibigay sa mga typhoon victims. Isinama ko rito ang ating mga miyembro ng gabinete upang makita kayo at magbigay ng tulong,” dagdag pa ni Pangulong Marcos, Jr.
Ayon naman kay Marites Lumicao, 61, ng barangay San Antonio South, Bambang, isa sa mga beneficiaries ng Food Packs, malaking tulong sa kanilang pamilya ang ibinigay ni President Marcos, Jr.
Nagagalak din si Marites Campos, 51 ng barangay Barat, Bambang dahil sa tulong ni Pangulong Marcos, Jr. sa kanilang pamilya.
“Malaking tulong ito sa amin. Ako’y nagagalak dahil bumisita siya sa bayan at nakita ko siya,” pahayag ni Campos. (BME/PIA NVizcaya) PIA /PCO Photos