PBBM personal na inalam ang epekto ng oil spill sa Oriental Mindoro

ODIONGAN, Romblon (PIA) — Personal na nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado, Abril 15, sa baybayin ng Oriental Mindoro na apektado ng oil spill.

Kasama ng Pangulo ang ilang opisyal ng Philippine Coast Guard at si Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor.

Layunin ng Presidente na makita ang kabuuang pinsala ng oil spill sa probinsya para makagawa ng kaukulang aksyon ang pamahalaan para sa pagtugon sa paglilinis ng langis dito.

Matapos ang aerial inspection ay nagsagawa ng situation briefing ang Pangulo sa mga ahensya nasyonal at lokal na pamahalan para malaman ang mga ginagawang hakbang tungkol sa oil spill.

Inatasan na ng Pangulo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na makipag-usap sa mga gobernador at sa mga alkalde ng mga lugar na apektado ng oil spill para sa alternatibo nilang pangisdaan.

Ang mga lugar na puwedeng alternatibong pangisadaan sa Mimaropa at Calabarzon ay ang Mindoro Strait, Cuyo Pass sa Palawan, Tablas Strait sa Romblon, at ang Tayabas Bay sa Quezon.

Maliban sa alternatibong pangisadaan, may mga livelihood program rin na inilatag ang pamahalaan para sa mga residente ng Oriental Mindoro na hindi makapangisda dahil sa epekto ng langis.

“So the oil spill, we are at the mercy of the weather. At the mercy… Buti na nga nag-amihan na, medyo — hindi na… ‘Yung inaalala natin na talagang papasok ay hindi naman masyado. Ngunit, may tama pa rin and there are many affected barangays. And that’s what we are trying to do. We are trying to find alternative livelihood for them until they can go back to their old fishing grounds,” ayon sa Pangulo nang makapanayam ng mga mamahayag sa bayan ng Pola.

Kasabay nang pagbisita ni Pangulong Marcos Jr. sa probinsya ay ang pamamahagi naman ng mga tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, at Department of Social Welfare and Development. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)


Personal na nagsagawa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang aerial inspection, ngayong araw, ika-15 ng Abril, sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro. Tiningnan ng Pangulo ang mga baybayin sa probinsya, kasama ang ilang opisyal ng Philippine Coast Guard at ng lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro upang makita ang kabuuang pinsala at mailatag ng mabuti ang kauukulang aksyon para sa pagtugon sa paglilinis ng katubigan at pag-abot ng tulong sa mga naapektuhang residente. (PCO)

In other News
Skip to content