PULILAN, Bulacan (PIA) — Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Candaba 3rd Viaduct na tumatawid sa pagitan ng Pulilan, Bulacan at Apalit, Pampanga sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX).
Nangyari ito matapos ang 50 taon mula nang ipatayo ng amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang southbound at northbound ng mga orihinal na viaduct bilang bahagi ng noo’y proyektong North Diversion Road.
Para kay PBBM, lalong pinapatunayan ng proyektong ito ang tibay at katatagan ng pagkakagawa ng naturang imprastraktura na naging pangunahing ruta ng mga bumibiyahe paluwas sa Metro Manila at pauwi sa mga lalawigan ng Gitna at Hilagang Luzon.
Lalo aniyang mapapalakas ang mga oportunidad sa kalakalan, agrikultura at turismo ngayong nadagdagan ng tatlong linya ang nasabing viaduct.
Tamang-tama rin ito sa inaasahang pagdami ng mga sasakyang bibiyahe sa nalalapit na holiday season.
Pinapurihan din ng Pangulo ang NLEX Corporation ng Metro Pacific Tollways Corporation dahil naitayo at nabuksan ito sa loob ng 20 buwan na mas maaga sa target na 24 buwan.
Prayoridad na padaanin sa Candaba 3rd Viaduct ang mga malalaking trak at bus upang mas maproteksiyunan ang istraktura ng mas matatandang southbound at northbound viaduct na patuloy na isinasaayos.
May halagang P8 bilyon ang ginugol ng NLEX Corporation sa naturang proyekto bilang bahagi ng kanilang konsesyon sa ilalim ng Built-Operate-Transfer na isang mekanismo ng Public-Private Partnership.
Katuwang sa pagtatayo nito ang Australian-firm na Leighton Asia na gumawa rin sa modernisasyon at pagpapalapad ng NLEX mula 2002 hanggang 2005. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)