PBBM pinatunayang muli ang pangakong magiging abot-kamay ng lahat ang serbisyong pang-gobyerno

Muling pinatunayan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang pangako noon na gagawing “accessible” sa lahat ang mga serbisyo mula sa gobyerno.

Inatasan nito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na tiyaking naaabot ng mamamayang Pilipino ang lahat ng social services. Inihayag niya ito sa pagdiriwang ng ika-72 anibersaryo ng DSWD at inagurasyon ng multi-purpose building sa central office nito sa lungsod ng Quezon.

Binigyang-diin ng pangulo na hindi na dapat bumiyahe pa sa mga lungsod ang mga nasa kanayunan para lang maka-access ng government services, kaya’t dapat na tiyakin na mabibigyan ng agarang access ang publiko sa lahat ng tulong at serbisyong kinakailangan nila.

Sa kanyang talumpati, iniutos ni PBBM sa DSWD na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at pagtibayin pa ang mga inisyatiba ng gobyerno para sa proteksyong panlipunan, lalo aniya na ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang masolusyunan ang kahirapan ay ang paggawad ng tulong pinansyal para sa kalusugan ng bawat tahanan at edukasyon para sa kabataan.

Hiniling din ni Pangulong Marcos Jr. sa DSWD na ipagpatuloy ang iniimplementang Unconditional Cash Transfer Program para sa mga mahihirap na mamamayan at mga indibidwal na hindi nakinabang sa mas mababang halaga ng income tax ngunit lubha namang naaapektuhan sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin. (Harlem Jude Ferolino, PIA-SarGen)

In other News
Skip to content