ODIONGAN, Romblon (PIA) — Wala nang nakikitang cocolisap ang mga tauhan ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa probinsya ng Romblon simula pa taong 2019 dahilan para ituring na cocolisap-free na ang probinsya.
Ito ang naging pahayag ni Coconut Development Officer Donna Mycah Gaa sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon noong nakaraang Huwebes.
Ang cocolisap ay isang insekto na sinisira ang bunga at dahon ng mga niyog na kanyang makakapitan. Sa San Agustin, hindi lamang mga puno ng niyog ang naapektuhan maging ang ilan ding mga pananim na malapit sa niyogan.
“Sa loob ng ilang taon simula 2017 hanggang 2019 ay nagkaroon tayo ng ground checking at nagkaroon ng leaf pruning at spraying. Pamamaraan ito ng PCA para makontrol ito. Sa pagkakaalam ko, 90% ang nasagip natin at ang iba naman ay naputol. Sa ngayon, wala na pero tuloy-tuloy ‘yung ground checking natin doon sa area,” ayon kay Gaa.
Taong 2017 nang tumama ang cocolisap sa probinsya kung saan naapektuhan nito ang ilang barangay sa bayan ng Calatrava at San Agustin.
Sinabi ni Gaa na halos 400,000 na puno ng niyog ang naapektuhan ng cocolisap sa probinsya bago ito makontrol noong 2019. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)