PCG, MDRRMO handang tumulong sa mga stranded sa Abra de Ilog port

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Nakahanda ang Philippine Coast Guard (PCG) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na magbigay ng tulong sa mga na-stranded sa pantalan ng Abra de Ilog dahil sa bagyong Kristine.

Sa ulat ng PCG, may 135 na indibidwal na kasalukuyang nasa pantalan, 122 ay pahinante at driver ng 22 rolling cargos, samantalang 13 naman ay mga pasaherong bibyahe palabas ng lalawigan subalit inabutan ng masamang panahon.

Ayon kay Geoffrey Panganiban, opisyal ng MDRRMO Abra de Ilog, handa silang magbigay ng tulong sa mga na-stranded at nakaantabay sila sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Ports Authority (PPA) anumang oras

Sinabi ni Panganiban na ang pakikipag-ugnayan sa kanila ng PPA ay kabilang sa napagkasunduan sa kamakailang ipinatawag na virtual Emergency Operations Center (EOC) meeting ng Pamahalaang Panlalawigan, kung saan itinakda na PPA ang pansamantalang mangangalaga sa mga stranded na pasahero.

Ayon pa kay Panganiban, sa nasabi ring pulong ay napag-usapan na magseserbisyo rin ang Mobile Kusina ng probinsya sa ganitong panahon.

Dalawa ang Mobile Kusina ng lalawigan na maaaring maghatid ng mainit at bagong lutong pagkain sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad o sakuna.

Samantala, patuloy na nakararanas ang bayan ng Abra de Ilog ng bahagya hanggang malakas na pag-ulan batay sa ulat ng kanilang MDRRMO.

Wala pa namang ulat ng pagtaas ng tubig sa mga ilog ng nasabing bayan base sa  12:05 ng hapon ng Oktubre 24 na report, at nag-atas si Municipal Mayor Meg Constantino sa mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC) na magsagawa ng forced evacuation sakaling magkaroon ng baha sa kani-kanilang barangay.

Dagdag pa ni Panganiban, bukas 24 oras ang kanilang EOC na naka-red alert simula pa noong Martes, Oktubre 22. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content