PCG: Walang naitalang oil spill sa lumubog na fishing vessel sa Batangas

BATANGAS CITY (PIA) — Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang oil spill o pagtagas ng langis mula sa lumubog na fishing vessel sa katubigang sakop ng Calatagan, Batangas nitong Linggo, ika-27 ng Agosto.

Sa pagpupulong ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Martes, sinabi ni Coast Guard Lt. Capt. Precious Omalsa na bagama’t mayroon silang nakitang bakas ng langis o oil slick ay walang malaking banta ng oil spill na namataan sa bahagi ng dagat kung saan lumubog ang F/V Anita DJ II.

“Sa bahagi ng offshore, patuloy ang BRP Bagacay sa monitoring at sa loob ng 24 oras ay naobserbahan nila ang oil sheens o sobrang nipis na kalat ng langis na nasa 300 meters at 2-3 meters ang lapad. Kung ibabase natin sa 24 na oras, ang mga naunang lumabas na langis sa vessel ay agarang na-dispersed lalo at ganun lamang kaliit ang naobserbahang oil slick,” ani Omalsa.

Tiniyak ni Omalsa na magpapatuloy ang coastal monitoring ng PCG sa mga lugar na kabilang sa mga trajectory sites kasama ang Calatagan, Mabini, Bauan, San Luis, at Lemery.

Samantala, bilang paghahanda ay nagpadala na rin ng oil absorbent pads ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) IV-A at Office of Civil Defense (OCD) Calabarzon na maaaring magamit ng PCG kung kakailanganin.

Pinangunahan ng Office of Civil Defense IV-A at Department of Environment and Natural Resources IV-A ang paghahatid ng 500 kahon ng oil absorbent pads sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na maaaring magamit sakaling magkaroon ng oil spill sa katubigang sakop ng Calatagan, Batangas kung saan lumubog ang F/V Anita DJ II.

Tiwala naman si OCD Calabarzon Officer-in-Charge Reyan Derrik Marquez na sapat ang kakayahan ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas para tugunan ang banta ng oil spill.

“Inaasahan din natin na ang mga lokal na pamahalaan na nabanggit kung sakaling magkaroon ng oil spill ay mayroong mga  preparedness measures para mas madaling pamahalaan ang naturang insidente. Mas mabuti kung mayroon silang mga available resources at kung wala ay maaaring iakyat sa probinsya hanggang sa regional level para matugunan ang kakulangan,” ani Marquez.

Tiniyak din ni Marquez ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng RDRRMC sa Batangas PDRRMO at PCG upang masiguro ang mga kaukulang hakbang kaugnay ng insidente.

Dumalo din sa pagpupulong si Atty. Frank Alauingan, kinatawan ng Irma Fishing, ang kumpanyang may-ari ng lumubog na F/V Anita DJ II  kung saan ipinahayag nito ang mensahe mula sa pamunuan ng kumpanya na nakahanda itong tumulong sa anumang pangangailangan kaugnay ng naturang insidente.

Ayon kay Atty. Alauingan, ipapaalam din nito sa kanilang kumpanya ang katanungan ng mga residente sa Brgy. Bagong Silang sa bayan ng Calatagan kung saan lumubog ang barko kung kailangang i-salvage ito lalo na at tinatayang nasa 120 metro ang kinaroroonan nito sa huling tala ng PCG.

Sinabi naman ni Capt. Victoriano Ronaldo Acosta IV na may mga banyera ng isda na narekober sa ilang mga bayan na marahil ay napadpad ng alon matapos ang nangyaring paglubog. Aniya, ito ay maaaring ma-recover ng fishing company sa mga ito.

Nagkaloob naman ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng  mga personal protective equipment na maaaring i-preposition ng PCG kung sakaling kailanganin nila ang mga ito.

Linggo ng umaga nang lumubog ang F/V Anita DJ II kung saan nasagip ang 13 tripulante na lulan nito. Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang dahilan ng paglubog ng fishing vessel. (BPDC)

In other News
Skip to content