PCO, PIA, at OPAPRU pumirma ng ‘partnership agreement’ upang palakasin pa ang paghahatid ng impormasyon pang-kapayapaan

Pumirma na ang Presidential Communications Office (PCO), Philippine Information Agency (PIA), at ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ng Memorandum of Agreement (MOA) noong Miyerkules upang maayos na ipalaganap ang mga pagsisikap ng pamahalaan na makamit ang kapayapaan sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa naganap na MOA signing ceremony sa lungsod ng Pasay, binigyan-diin ni PCO Secretary Cheloy Velicaria-Garafil ang kahalagahan ng epektibong komunikasyon bilang isang katalista para sa pagbabago, lalo na sa mga lugar na apektado ng kaguluhan sa bansa.

Ayon kay Garafil, hindi lamang simpleng pagpapalaganap ng impormasyon ang kanilang layunin, bagkus nais nilang lumikha ng mga mensahe na maiintindihan ng iba’t ibang komunidad, at magsisilbing tulay ng tiwala at pang-unawa.

Dagdag nito, nais nilang labanan ang maling impormasyon at lumikha ng mga kuwento na magbibigay inspirasyon at edukasyon na makakatulong sa pag-angat ng kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Ipinahayag din ni Secretary Garafil ang pag-asa na ang pagsasamang ito ay tutulong sa pagpapalakas sa mga dating rebelde at kanilang mga pamilya habang sila ay ibinabalik sa kanilang mga komunidad at muling maging produktibong miyembro ng lipunan.

Kasama sa okasyon sina OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr. at PIA Director General Jose Torres Jr.

Sa ilalim ng MOA, ang PCO, na isa sa mga pangunahing tagapangasiwa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Strategic Communications Cluster, ay magbubuo at magpapatupad ng malawakang plano para sa komprehensibong strategic communications plan kasama ang OPAPRU at PIA.

Kabilang din sa kanilang mga responsibilidad ang pagbuo, konseptwalisasyon, at produksyon ng mga materyal para sa IEC kasama na ang pagtatatag ng online presence ng mga Local Peace Engagements (LPE) at Transformation Program (TP) ng OPAPRU gamit ang mga digital assets ng PCO at mga kaakibat nitong ahensya.

Ang PIA, na isa sa mga kaanib na ahensya ng PCO, ay naglilingkod bilang isang information network ng pamahalaan upang maabot ang mga tao sa mga grassroots level. Sila rin ang nangunguna sa pagsasagawa ng mga workshop at media orientation sa mga target na rehiyon sa bansa at sa paggawa ng mga ulat na nag-uugnay sa sitwasyon.

Para sa partnership na ito, ang OPAPRU ay magbubuo at magpapatupad ng malawakang plano para sa strategic communication upang maisagawa ang LPE at TP sa tulong ng PCO at PIA, at sila rin ay magsasagawa ng mga workshop tungkol sa mga principles at tools ng Conflict Sensitive and Peace Promoting (CSPP) Communities, at iba pa.  (HJPF — PIA SarGen)

In other News
Skip to content