PDIC: Depositors ng nagsarang Rural Bank of Cuyo maaari nang mag-file ng deposit insurance claims

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Maaari nang mag-file ng deposit insurance claims ang mga depositor ng nagsarang Rural Bank of Cuyo (Palawan), Inc.

Pinapanawagan ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang mga depositor ng nasabing bangko, na may deposit balance na higit sa P500,000, na mag-file ng deposit insurance claims.

Ayon sa PDIC, darating sa Cuyo, Palawan ang kanilang grupo para tumanggap ng application ng deposit insurance claims sa Hulyo 4, 5 at 8, 2024 mula 8 ng umaga hanggang 4 nga hapon sa nasabing bangko na matatagpuan sa Mendoza St., Brgy. Bancal, Cuyo, Palawan.

Maaari rin mag-file ng deposit insurance claims ang mga depositor sa pamamagitan ng alinman sa mga sumusunod: a) pag-email sa [email protected], b) pagpapadala ng sulat sa PDIC, o c) personal na pag-file sa PDIC Public Assistance Center kung saan hinihikayat ang mga depositors na mag-set muna ng appointment bago pumunta.

Para sa pag-set ng appointment, mag e-mail sa [email protected], mag-message sa Facebook page ng PDIC na www.facebook.com/OfficialPDIC, o tumawag sa hotline number na (02) 8841-4141 sa oras lamang ng trabaho, o sa Toll-free number na 1-800-1-888-7342.

Samantala, pinaalalahanan din ng PDIC ang lahat ng may utang ng nagsarang bangko na dapat pa rin silang magbayad ng kanilang loans o pagkakautang kahit ito ay sarado na.

Sa pamamagitan ng Account Reference Number o ARN, maaaring magbayad online sa LinkBiz Portal ng Land Bank of the Philippines, gayundin sa alinmang branch ng Philippine National Bank (PNB).

Maaari rin silang magbayad sa pamamagitan ng postal money order (PMO) o tseke, o personal na pagbayad sa PDIC Public Assistance Center (PAC) sa Makati City.

Ang ARN ay isang unique number na binubuo para sa bawat loan account sa nagsarang bangko para masiguro na ang bayad sa utang ay nairerekord nang maayos, at magiging updated ang loan account ng borrower.

Ang Rural Bank of Cuyo (Palawan), Inc. ay pinagbawalang magsagawa ng business transaction ng Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pamamagitan ng MB Resolution No, 631 na may petsang Hunyo 6, 2024 at na-take over ito ng PDIC noong Hunyo 10, 2024. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

In other News
Skip to content