PDRRMC naghain ng resolusyon sa SP para ipasailalim sa ‘State of Calamity’ ang Occidental Mindoro

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Nagkaisa ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na maghahain ng resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan (SP) para ilagay ang probinsya sa State of Calamity dahil sa African Swine Fever (ASF).

Ang resolusyon ay napagkasunduan matapos iulat ng iba’t ibang bayan sa isang pagpupulong ang laki ng pinsala ng ASF sa industriya ng baboy sa kani-kanilang lugar.

Ayon kay San Jose Municipal Agriculturist Romel Calingasan, higit ₱41 milyon na ang estimated loss sa kanilang hog industry. Ito ay batay pa lamang sa dami ng mga na-depopulate na baboy na umabot na sa 2448, at mga kusang namatay na baboy dahil sa ASF na 1139.

Ang depopulation ay pagpatay sa mga baboy na nakapaloob sa 500-meter cull radius.

Sinabi ni Calisangan na :tataas pa ang bilang na ito.”

Ayon pa sa opisyal, 12 barangay na ng San Jose ang may mga kaso ng ASF, kaya isinailalim na sa red zone at idineklara ang state of calamity sa buong bayan.

Nabatid naman kay Sablayan Mayor Walter Marquez na anim na barangay nila ang positibo sa ASF. Ito ay ang Barangay Buenavista, Ibud, Tagumpay, Sta Lucia, Sto Niño at Paetan.

Umabot na rin sa 164 na baboy ang na-depopulate at 36 na mga hog raisers ang naitalang may kaso ng ASF ang mga babuyan.

Samantala, inamin ni Dr. Edgar Manzano ng Municipal Veterinary Office ng Sta Cruz, na buong bayan nila ang apektado ng ASF.

Ayon sa kanya, as of April 2024, higit 2,700 ang na-depopulate ng kanilang tanggapan at 336 hog farms na ang sinalanta ng virus.

“Halos wala na kaming baboy sa Sta. Cruz,” sabi ni Cruz.

Pinakamabisang aksyon, dagdag nito, ang depopulation upang subukin na mapigil ang pagkalat ng virus sa mga katabing bayan.

Patuloy sa pagsasagawa ng depopulation ang tatlong nabanggit na bayan, at tulad ng San Jose, isinailalim na rin sa state of calamity ang Sablayan at Sta.Cruz.

Sa ulat ng Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry (DA-BAI) nasa Red Zone o lugar na may aktibong kaso ang Mamburao, San Jose, Santa Cruz at Sablayan; Pink zone naman o lugar na bagamat malapit sa mga infected area ay walang aktibong kaso ang mga bayan ng Rizal, Calintaan, Abra de Ilog at Paluan.

Tanging ang nakahiwalay na Isla ng Lubang, kung saan matatagpuan ang mga bayan ng Looc at Lubang, ang nananatiling Green zone o walang aktibong kaso ng ASF. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

Photo credit: MIO, LGU San Jose

In other News
Skip to content