PDRRMO, nagsagawa ng disaster preparedness seminar sa APO fraternity

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Bilang selebrasyon ng National Disaster Resilience Month, isinagawa ng Oriental Mindoro Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang isang seminar tungkol sa paghahanda sa panahon ng kalamidad sa grupo ng Alpha Phi Omega (APO) Fraternity na pinangunahan ng ETA MU Chapter ng Calapan, kasama ang mga kasapi mula sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro at Oriental Mindoro na ginanap sa City College of Calapan sa Brgy. Guinobatan kamakailan.

Pinamunuan ni Ivy Kristine Basco ng PDRRMO ang seminar para sa humigit-kumulang 50 miyembro ng naturang samahan kung saan kanyang ipinaliwanag ang mga alituntunin, layunin at mga dapat at hindi dapat gawin sa panahon ng kalamidad at ang mga pamamaraan sa pag responde sa mga aksidente at pagsagip sa buhay ng isang tao sa pamamagitan ng mga paunang lunas.

Sinabi ng pangulo ng samahan na si Nebuchadnezzar Matrio, “Layunin ng pagsasanay ay para maturuan ang aming mga kasapi na naka base sa buong isla ng Mindoro na ipaalam ang mga dapat gawin sa panahon ng kalamidad o pagligtas ng buhay upang makatulong sa mamamayang Mindoreño.”

Dagdag pa ni Matrio, ang samahan ng APO ay hindi lamang kilala bilang fraternity kundi kaisa din sa pakikibahagi sa mga sibikong gawain, pakikipag-ugnayan sa komunidad at tumulong sa mga nangangailangan. (DN/PIA-MIMAROPA – Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content