CALAMBA CITY, Laguna (PIA) —Tiniyak ng Department of Information and Communications and Technology (DICT) na ipapatupad ng pamahalaan ang SIM registration alinsunod sa mga probisyon ng Data Privacy Act of 2012.
Ayon sa isang pahayag, sinabi ni DICT Secretary Ivan Uy na inatasan nila ang mga telcos na siguraduhing naipapatupad ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga subscribers habang isinasagawa ang SIM Registration.
“We are reminding the public that SIM Registration and the Data Privacy Act come hand-in-hand to ensure that the subscribers’ data are safe and secure. Our telcos are required to take the necessary measures to guarantee end-users’ safety as they complete the SIM Registration process,” pahayag ng kalihim.
Sa isinagawang facilitated SIM registration activity ng National Telecommunications Commission (NTC) IV-A sa bayan ng Bay noong nakaraang linggo, sinabi ng ilan sa mga nakapagpa-rehistro ng kani-kanilang SIM card na epektibo ang ginagawang mga hakbang ng pamahalaan upang mailapit sa mga tao ang SIM registration.
Ayon kay Jocelyn Navarro, isang sari-sari store owner sa bayan, sinubukan nilang magpa-rehistro online ngunit hindi tinatanggap ang kanilang aplikasyon kaya’t minarapat niyang magpa-rehistro sa lugar.
Mahalaga para kay Navarro na mairehistro ang SIM card upang makaiwas sa mga e-wallet scams na kanyang nabalitaan sa isang kliyenteng nabiktima nito.
Ayon sa datos na inilabas ng mga lokal na Public Telecommunication Entities (PTEs) gaya ng Smart Communications Inc., Globe Telecom Inc., at DITO Telecommunity Corp. nitong Marso 14, umabot na sa 45,203,504 ang bilang ng mga subscriber na nakapagrehistro ng SIM card o 26.75% ng kabuuang bilang na 168,977,773 subscriber sa buong bansa.
Ang DICT ay patuloy na nagpapaalala sa publiko na maging maingat at mapanuri habang nagrerehistro ng kanilang mga SIM. Maaaring tumawag sa kanilang hotline 1326 kung may mga nais i-report na iregularidad o kung may tanong sa proseso ng SIM registration.
Abiso rin ng kagawaran na gamitin lamang ang mga opisyal na website link ng mga PTEs o magtungo sa mga Facilitated SIM Registration Activity na idaraos sa kanilang lugar.
Sa ngayon ay pinag-aaralan ng DICT na palawigin ang deadline sa SIM registration, ngunit sa ngayon ay nananatiling sa Abril 26, 2023 ang deadline para sa SIM registration. (CH/PIA-Laguna)