BAGUIO CITY (PIA) — Tiwala ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na malaki ang maitutulong sa kampanya para sa karagatan ng bansa kapag ganap nang naisabatas ang Philippine Maritime Zones Bill.
Pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kulang upang maisabatas ang bersyon ng naturang panukala na isinapinal ng Bicameral Conference Committee ng dalawang kapulungan ng Kongreso noong Hulyo 17, 2024.
Layunin ng panukala na ideklara, hindi lamang ang maritime zones ng bansa, kundi maging ang karapatan ng Pilipinas sa maritime zones na ito na naaayon sa standards na itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng 2016 Arbitral Ruling.
Nakasaad din sa panukala ang mga paglilinaw sa maritime boundaries ng Pilipinas at ang pagpapatibay sa karapatan ng bansa sa mga nasasakupan nitong bahagi ng karagatan.
Ayon kay Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, makatutulong ang nasabing batas upang mapalakas pa ang kanilang kampanya ukol sa WPS.
Aminado ang opisyal na marami pa ring Pilipino ang hindi nakaaalam sa mahahalagang impormasyon ukol sa West Philippine Sea.
“Hindi pa masyadong naiintindihan ng ating mga kababayan na ang West Philippine Sea is actually the west side of the entire western waters ng Pilipinas. Mula sa Batanes pababa hanggang Palawan, extend ang 200 nautical miles, that’s the entire West Philippine Sea,” sabi ni Tarriela.
Aniya, sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Philippine Maritime Zones Bill, ay mapalalakas ang pagpapalaganap nila sa tamang impormasyon ukol sa West Philippine Sea at sa iba pang sakop ng Pilipinas.
“Ang PH Maritime Zones Bill ay talagang hinihintay na ng NTF-WPS at ng Department of Foreign Affairs for us to come up with information dissemination to explain to the Filipino people where is the West Philippine Sea, nasaan ba ang territorial sea, where are the grid coordinates of the entire exclusive economic zone, where it starts and where it ends in the southern Philippines.”
Kapag naging ganap na itong batas ay maidedeklara ang internal waters, archipelagic waters, territorial seas, contiguous zones, continental shelves, at lahat ng ibang teritoryo sa hurisdiksyon ng Pilipinas, maging ang exclusive economic zone ng bansa.
Sa ngayon ay may comic book project ang NTF-WPS na pinamagatang “The Stories of Teacher Jun,” kung saan ay nakapaloob ang mga impormasyon tungkol sa West Philippine Sea, UNCLOS, at ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang maprotektahan ang teritoryo ng bansa. Libre itong ipinamamahagi sa publiko. (DEG-PIA CAR)