Phase II ng Tubbataha Ranger Station, 60% na ang konstruksiyon

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Malapit nang matapos ang konstruksyon ng ikalawang bahagi ng Tubbataha Ranger Station na itinatayo sa Tubbataha Reefs Natural Park and World Heritage Site sa bayan ng Cagayancillo.

Ayon sa Provincial Engineering Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, nasa 60% na ang natatapos sa nasabing konstruksyon na sinimulan noong Abril 2023.

Taong 2020 nang simulang gawin ang Phase I ng Tubbataha Ranger Station mula sa pondong ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na nagkakahalaga ng P40 milyon at natapos ito noong 2021.

Samantala, ang pondong inilaan naman sa Phase II na nagkakahalaga ng P58 milyon ay mula sa ibinayad na danyos-perwisyo ng bansang Amerika sa Pilipinas dahil sa pinsalang idinulot ng USS Guardian nang sumadsad ito sa Tubbataha Reefs noong 2013. Kabilang sa Phase I at Phase II ng Tubbataha Ranger Station ang Main Module, Research Module at Transportation Module kung saan kasama dito ang pagtatayo ng isang helipad.

Inaasahan naman na matatapos ang konstruksiyon nito sa Abril sa susunod na taon. Ang Tubbataha Ranger Station ang tirahan ng mga nagbabantay upang maproteksiyunan ang Tubbataha Reefs Natural Park and World Heritage Site. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)


Ang pagpapatuloy ng konstruksiyon ng Phase II ng Tubbataha Ranger Station sa Tubbataha Reefs Natural Park and Work Heritage Site. (larawan mula kay Noel Bundal ng Tubbataha Management Office)

In other News
Skip to content