LUNGSOD QUEZON, (PIA)–Bilang pagtugon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) NCR sa patuloy na panawagan ng pamahalaan na mapabilang ang lahat ng Pilipino sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, nakiisa kahapon, Setyembre 13, ang mga kawani ng 4Ps-NCR sa isinagawang PhilHealth konsulta activity sa Quezon City.
Pinangunahan ang aktibidad ng PhilHealth-NCR Central Branch kasama ang mga kawani ng 4Ps-NCR Regional Program Management Office (RPMO), mga City Links, at iba’t ibang City Health Offices mula sa Quezon City, San Juan City, at Marikina City.
Layunin nito na ibahagi at bigyang kapasidad ang mga dumalo tungkol sa R.A. 11223 o Universal Health Care Act na ipinapatupad ng PhilHealth para sa lahat ng Pilipino sa buong Bansa.
Nagkaroon din ng planning workshop kung saan magtutulungan ang PhilHealth-NCR Central Branch, 4Ps-NCR, at mga City Health Offices ng mga nabanggit na Lungsod upang isulong ang Konsulta Package na bahagi ng serbisyo ng Philhealth para sa preventive and health maintenance ng mga miyembro nito na kabilang sa Programa.
Sa ilalim ng PhilHealth konsulta package, maaaring magamit ng mga miyembro nito ang mga benepisyo gaya ng subsidiya sa konsultasyon, laboratory at diagnostic test, at subsidiya sa mga piling gamot para sa maintenance medicine ng mga miyembro.
Kaugnay nito, magkakaroon ng Registration for Konsulta package para sa mga benepisyaryo ng 4Ps mula sa Quezon City, San Juan City at Marikina City sa Oktubre ngayong taon.
Kaisa ang 4Ps-NCR sa mga proyekto at mandato ng bawat ahensya at tanggapan ng pamahalaan na naglalayong maiangat ang pamumuhay ng mga benepisyaryo sa Metro Manila. (pia-ncr)