PhilHealth Konsulta Dialogue, Serbisyo Caravan, umarangkada sa Batangas

BATANGAS CITY (PIA) — Matagumpay na isinagawa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang isang dayalogo sa pagitan ng kanilang ahensya kasama ang mga miyembro ng Provincial Local Health Board at mga pampubliko at pribadong healthcare providers sa lalawigan ng Batangas kamakailan.

Pinangunahan nina PhilHealth Acting President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma at Governor Dodo Mandanas na tumatayong Chairperson ng Local Health Board ang pagtitipon na nakasentro sa “Konsultasyong Sulit at Tama (KonSulTa) Package ng PhilHealth.

Layon nitong talakayin ang pagsasakatuparan ng mandato na nakapaloob sa Universal Health Care(UHC) law, health providers accreditation at madinig ang anumang paglilinaw o usapin sa hanay ng iba’t ibang tagapagtaguyod ng kalusugan kabilang ang pribadong sektor.

Nagpaabot din ng mga mungkahi ang mga kasaping opisyal ng mga pribadong ospital sa lalawigan kaugnay ng implementasyon ng programa kung saan ilan sa mga idinulog ang kasalukuyang system flow ng healthcare delivery, information and technology infrastructure, costing at pagkakaroon ng timetable.

Sa mensahe ni PhilHealth President Ledesma, tiniyak nito na matutugunan ang mga suhestiyon na inihain ng mga dumalo sa pagtitipon at binigyang diin niya ang digitalization na siyang pinagtutuunan ng pansin ng Philhealth at isa din sa mahigpit na tinututukan ng administrasyong Marcos sa kasalukuyan.

Samantala, dinala ng PhilHealth ang kanilang Konsulta Serbisyo Caravan sa Kapitolyo para mas maipakilala ang nasabing programa at mapabilis ang rehistrasyon nito.

Kabilang sa mga serbisyong maaaring i-avail sa package ang libreng konsultasyon mula sa mga primary care physicians, health risk screening at assessment, piling laboratory at diagnostic tests gayundin din ang mga piling gamot ayon sa health risks, edad at pangangailangan ng pasyente.

Sa huli ay nagpaabot ang samahan ng Private Hospital Association of Batangas ng kanilang suporta sa KonSulTa project upang magtuloy-tuloy ang mga inisyatibong pangkalusugan para sa mga Batangueño. (BPDC)

In other News
Skip to content