LUNGSOD NG BATANGAS – Mas pinalawak at pinahusay ang mga benepisyong maaaring matanggap ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) Batangas sa programang PIA Ngayon, sinabi ni Sherwin Francisco Solis, officer-in-charge ng PhilHealth Local Health Insurance Office Batangas, na layunin ng mga karagdagang benepisyo na mabigyan ng mas maayos at de-kalidad na serbisyo ang lahat ng miyembro ng PhilHealth.
Isa sa mga pangunahing pagbabago ay ang pagtaas ng coverage para sa hemodialysis, mula ₱2,600 kada session patungo sa ₱6,350, habang nananatili ang 156 sessions bawat taon. Pinalawak din ang coverage para sa Dengue Hemorrhagic Fever, na ngayon ay may halagang ₱47,000, mula sa dating ₱15,000.
Kasama rin sa mas pinabuting benepisyo ang Konsulta Package, na sumasaklaw na sa outpatient services, TB-DOTS, malaria package, HIV-AIDS package, animal bite treatment, at preventive oral health services tulad ng pagbubunot ng ngipin.
Para naman sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19, itinaas ang in-patient coverage mula ₱43,997 hanggang ₱786,384 para sa matatanda, habang nasa ₱51,000 hanggang ₱275,000 para sa mga bata. Pinalawak din ang case rate benefits para sa mga sakit tulad ng kidney transplant, ischemic heart disease, acute myocardial infarction, at breast cancer.
Bukod dito, isinama na rin sa mga benepisyo ang outpatient emergency care benefit, na nagbibigay ng coverage sa mga emergency cases na nangangailangan ng agarang atensyon sa emergency rooms.
Isa pang bagong benepisyo ang pediatric optometric services, kung saan ang mga batang may edad 0-15 taon ay maaari nang magkaroon ng access sa visual assessment at makakuha ng salamin kung kinakailangan.
Hinihikayat ni Solis ang lahat ng miyembro ng PhilHealth na magparehistro sa mga Konsulta Providers, na karaniwang matatagpuan sa mga Rural Health Units ng bawat bayan at lungsod, upang ma-avail ang mga serbisyong ito.
Ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng pagbabayad ng buwanang kontribusyon upang maiwasan ang anumang singilin sa hinaharap, kahit pa may immediate eligibility ang lahat ng miyembro sa ilalim ng Universal Health Care Law (MPDC-PIA Batangas)