LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Pinapayuhan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga miyembro na tiyaking tama ang mga personal na impormasyon sa Member Data Record (MDR).
Isa sa dapat na matiyak ay ang tama at kumpletong address ng tahanan na nakalagay sa MDR upang masigurong makatatanggap ng Benefit Payment Notice (BPN).
Ayon kay PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO) Gapan Head Angelito Creencia, ang BPN ay naglalaman ng summary ng benepisyo na dapat ay natanggap ng miyembro o kaniyang dependent.
Ito ay ipinadadala sa mga miyembro matapos mabayaran ng PhilHealth ang benepisyong pagpapa-ospital o pagpapagamot.
Kaniyang sinabi na mahalagang matanggap ang BPN upang makita kung ito ay tugma sa natanggap na benepisyo o ang naging diskwento sa naging bayarin sa ospital.
Paglilinaw ni Creencia, kung sakaling kulang ang naiawas na benepisyo ay maaaring ipakita ang BPN sa mismong ospital upang maibalik sa miyembro ang sobrang naibayad.
Maaari rin itong ilapit sa PhilHealth Customer Assistance, Relations and Empowerment Staff na nakatalaga sa mga ospital.
Kabilang sa mga programang inihahatid ng PhilHealth sa mga miyembro at kanilang mga idineklarang dependent ang pagbibigay ng diskwento sa pagpapagamot tulad ang Inpatient benefits, Outpatient benefits, Konsulta package, Z benefit package at iba pa.
Kung mayroong katanungan tungkol sa mga programa ng PhilHealth ay maaari makipag-ugnayan sa himpilan ng LHIO Cabanatuan na (044) 940-3723 at sa LHIO Gapan na may numerong (044) 486-9570. (CLJD/CCN-PIA 3)
Nagpaalala si Philippine Health Insurance Corporation Local Health Insurance Office Gapan Head Angelito Creencia sa kahalagahan ng wastong pagpapatala ng personal na impormasyon sa Member Data Record upang makatanggap ng mga mahahalagang datos hinggil sa pagtanggap ng mga benepisyo. (Camille C. Nagaño/PIA 3)