PHO Oriental Mindoro, nagsagawa ng feeding program sa San Teodoro


Nagsagawa ng serye ng lektyur ang mga kawani ng Provincial Health Office (PHO) hinggil sa kahalagahan ng wastong nutrisyon at tamang paghuhugas ng kamay. (Larawan mula sa PHO Oriental Mindoro)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nagsagawa ng feeding program activity ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) sa Setyembre 6.

Iba’t-ibang aktibidad ang isinagawa kung saan nakinabang ang mga mamamayan ng Brgy. Bigaan, San Teodoro, partikular ang mga katutubong nakatira sa naturang lugar.

Kabilang sa mga isinagawang gawain ay ang Operation Timbang, distribusyon ng vegetable seeds at gardening tools mula sa Provincial Agriculture Office, pagtuturo ng wastong nutrisyon kagaya ng kahalagahan ng pagpapasuso at complementary feeding. Nagkaroon din ng seryebng mga lektyur hinggil sa tamang paghuhugas ng kamay.

Ang naging sentro ng gawain ay ang feeding program kung saan nagpakain ang mga kawani ng PHO ng ginisang kalabasa, okra, sitaw, at canned tuna para sa balanseng nutrisyon.

Pasasalamat naman ang ipinaabot ng tanggapan ng PHO kay Governor Humerlito “Bonz” Dolor sa donasyon nitong bigas at mga gulay na ginamit sa feeding program, gayundin, pinasalamatan din ng mga PHO ang Century Pacific Food, Inc. para sa ipinagkaloob na mga canned tuna. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content