PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Katuwang ng Department of Health (DOH)-MIMAROPA Center for Health and Development ang Philippine Information Agency (PIA) Puppeters sa pagsasagawa ng kampanya sa pagbabakuna sa Puerto Princesa.
Sa pamamagitan ng “Taga-Puerto, Bakunado! Protektado!” Vaccination Advocacy Campaign and Health Services na itinaguyod ng DOH-MIMAROPA-CHD, Provincial Department of Health Office (PDOHO)-Palawan at City Health Office (CHO) ay nagtanghal dito ang PIA Puppet Theater sa pamamagitan ng isang Puppet Show na nagpapaliwanag ng kahalagahan ng pagpapabakuna.
Ayon kay DOH-MIMAROPA-CHD Health Education and Promotion Officer III Romalyn Rancho, bagama’t epektibo ang lahat ng kampanyan ng kagawaran kaugnay ng pagpapabakuna, ngunit ang puppet show ay isang bagong estratihiya na tinatawag na enter-educate approach.
“This is a new strategy that we call enter-educate approach (entertainment and educational) para hindi lamang po ‘yong usual lecture which is much catchy for all ages targeting bata man o matanda, instilling to their minds the importance of vaccination thru theatre play na mas appealing sa ating general community,” pahayag ni Racho.

Tatlong barangay sa Puerto Princesa ang target ng DOH-MIMAROPA-CHD na mapagsagawaan ng nasabing kampanya. Noong Hulyo 9 ay isinagawa ito sa Brgy. San Pedro, Hulyo 10 sa Brgy. San Manuel, at Hulyo 11 sa Brgy. Sicsican.
Ayon pa kay Racho, ang mga batang babakunahan sa kampanyang ito ay ang mga batang nasa edad 0-59 na buwang gulang na hindi pa kompleto ang kanilang mga bakuna sa mga nakaraang mga “Chikiting Ligtas Vaccination Campaign.”
Dagdag pa ni Racho, maliban sa mga regular na bakuna tulad ng Measles, Rubella-Oral Polio Vaccine ay may dala rin silang 300 Pentavalent vaccines o mas kilala ang bakunang ito bilang “penta.” Panlaban ito sa dipterya, tetano, hepatitis B, pertussis, pulmonya, at meningitis.
Ipinaliwanag din ni Racho na ang pagpapabakuna ay upang makaiwas sa iba pang mga vaccine preventable diseases (VPD) tulad ng tigdas, tigdas hangin, beke, at polio.
Sa mga susunod na linggong naman ng Hulyo ay isasagawa ng DOH-MIMAROPA-CHD ang kahalintulad na aktibidad sa mga bayan ng Quezon, Rizal at Bataraza. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)