PINAKAMATAAS NA BILANG SA KASO NG DENGUE MAAARING PUMALO SA TAG-ULAN. PUBLIKO INAABISUHANG ITULOY ANG PAGPUKSA SA LAMOK

Inaabisuhan ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang publiko at mga lokal na pamahalaan na ituloy at gawing regular ang vector control activities o ang pagpuksa sa mga pinamumugaran ng lamok habang hindi pa tag-ulan.

Paliwanag ng DOH, bagamat 10% ang ibinaba sa kaso ng dengue mula February 2 hanggang February 15, 2025 (14,163 na kaso) kumpara noong January 19 hanggang February 1, 2025 (15,742 na kaso), inaasahan ng Kagawaran na maaaring biglang tumaas ang kaso ng dengue sa bansa pagdating ng tag-ulan.

Umabot na sa 62,313 na kaso ang naitala ng DOH mula January 1 hanggang March 1, 2025. Mas mataas ito ng 73% kumpara noong 2024. Pinakamataas ang kaso ng dengue sa CALABARZON na may 12,735 kaso; na sinundan ng NCR na may 11,291; at Central Luzon na may 10,185 na kaso.

Nananatili namang mas mababa ang case fatality rate ngayong taon na nasa 0.35% kumpara sa 0.42% noong 2024.

“Samantalahin natin ang panahong ito para masiguro na walang pamumugaran ang lamok na Aedes pagdating ng tag-ulan. Tandaan, mabilis magparami ang lamok basta may tubig silang pamumugaran. Ang Aedes ay maaaring mangitlog ng abot isandaang (100) kiti-kiti. Sa loob lamang ng pito hanggang sampung (7-10) araw, maaari nang lumaki ang kiti-kiti at magkalat ng dengue,” pahayag ni Secretary Ted Herbosa.

Patuloy ang kampanya ng DOH na “Alas Kwatro Kontra Mosquito” upang isulong ang gawaing— Taob, Taktak, Tuyo, Takip at maalis ang mga stagnant na tubig kung saan pwedeng mangitlog ang mga lamok. Kasama ang mga LGU, health workers, at volunteers, patuloy ang malawakang paglilinis ng mga pinamumugaran ng lamok sa buong bansa upang masugpo ang Dengue.

In other News
Skip to content