Pinas,Brazil magkatuwang sa pagpapaunlad ng industriya ng tubo, ethanol

LUNGSOD QUEZON, (PIA)- Nakipagpulong ang mga kinatawan ng Brazilian Cooperation Agency (ABC) at Embassy of Brazil in Manila sa mga opisyales ng Department of Agriculture (DA), kahapon, Agosto 29, upang talakayin ang pagtutulungan ng dalawang bansa para sa pagpapalakas ng industriya ng tubo at ethanol.

Ito’y kasunod ng isinagawang pagdalaw ng  DA-Sugar Regulatory Administration (DA-SRA) noong Enero sa São Paulo, Brazil, na isa sa mga nangungunang bansa sa produksyon ng mga nasabing produkto.

Ayon sa kanilang naging obserbasyon, binigyang-diin ni Engr. Laverne Olalia, tagapangasiwa ng Research Development and Extension Department DA-SRA  na maaaring matuto ang Pilipinas sa mga pamamaraan ng Brazil sa pagpapaunlad at pamamahala ng lupa, mga stratehiya sa paggiling, at teknolohiya sa pagsasaka.

Maliban pa sa pag-aalok ng mga akademikong programa tungkol dito, inirekomenda rin ng mga delegado mula sa Brazil na magdala ng grupo ng mga eksperto sa bansa upang pangunahan ang pagbabahagi ng kaalaman na nakatuon sa pagpapalawak at pagpapaunlad  ng mga plantasyon ng tubo, kahusayan sa pagsasaka, at production chains, kalakip na rin ang pagpapababa ng mga gastos sa produksyon ng bansa.

Tiniyak din nina DA Assistant Secretary for Policy Research and Development Noel Padre at ABC Technical Cooperation with Africa, Asia, and Oceania Manager Antonio Junqueira na mas palalakasin ang pakikipag-ugnayan sa Brazil upang mas mapaunlad rin ang lokal na produksyon ng tubo at ethanol sa ating bansa. (DJC/PIA-NCR)

In other News
Skip to content