Pista Y’ Ang Cagueban sa Puerto Princesa nakapagtanim ng 2.6M punong kahoy sa 30 taon

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Umabot na sa 2.6 milyon na punong kahoy ang naitanim ng mga residente ng lungsod sa iba’t ibang lokasyon ng Pista Y’ Ang Cagueban sa loob ng 30 taon sa kabuohang 369 na ektaryang lupain.

Ayon kay City Environment and Natural Resources Officer Carlo B. Gomez, nasa 70 hanggang 80 porsiyento ang “survival rate” ng mga naitanim na puno.

Ang Pista Y’ Ang Cagueban ay wikang Cuyonon na ang ibig sabihin ay Pista ng Kagubatan. Ito ay isa lamang sa mga programa ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa para sa pangangalaga ng kalikasan na nagsimula noong Hunyo 30, 1991. Ito ay pinangungunahan ng  CENRO.

Sa ika-31 na taon ng Pista Y’ Ang Cagueban nito lamang Hunyo 29, mahigit sa 10,000 seedlings ng mga native tress ang naitanim sa 5.5 ektaryang lupain sa Montible Sub-Colony, Brgy. Montible sa lungsod.

Kinabibilangan ito ng mga puno ng Alalud, Apitong, Basa, Batino, Bayog, Bolong-eta, Ipil, Kamagong, Lumaraw, Malabayabas, Malakatmon, Mountain Agoho, Pasi, Puntian, Sahing, at Burawis.

Sa mensahe ni Mayor Lucilo R. Bayron bago ang sabayang pagtatanim, sinabi nito na ang 2.6 milyon na mga punong naitanim ay naging kagubatan na at malaki na ang pakinabang nito.

“2.6 million trees na ang naitanim natin, itong mga punong kahoy na ito dahil sila ay magkakasama ito ay naging kagubatan na, dahil sa naging kagubatan ito napakarami ang pakinabang ng Cagueban o Kagubatan para sa atin mga  tao dito sa mundo, Naging habitat o tirahan ito ng mga ibon, ng mga insekto ng iba’t ibang halaman at mga wildlife,” ang pahayag ni Bayron.

Ayon pa sa kanya, ilan sa mga pakinabang ng kagubatan sa tao ay napapababa nito ang heat index, nakakaprotekta ito sa pag-guho ng lupa, nakakadagdag ng ground water at nakakatulong na panlaban sa baha.

Dagdag pa ni Bayron na napakarami pa ng pakinabang ng cagueban at ito ay nangyari dahil sa pakikipagtulungan ng lahat ng mamamayan ng Puerto Princesa.

Umaasa rin ang Alkalde na sa darating mga mga Pista Y’ Ang Cagueban ay hindi mawawala ang mga kabataan dahil ang lahat ng pagpupursigeng ito ng pagsasagawa ng cagueban ay para sa kanila, para sa magiging anak ng anak nila o sa susunod na mga henerasyon.

Tanging noong panahon ng COVID-19 pandemic hindi naisagawa ang nasabing aktibidad.

Noong taong 2023, isinagawa ang Pista Y’ Ang Cagueban bilang urban edition upang labanan ang epekto ng climate change, tulad na lamang ng naranasang heat index sa lungsod.

Maliban sa PYAC, may iba pang programang pangkalikasan ang pamahalaang panglungsod tulad na lamang na Love Affair With Nature at Balayong Tree Planting and Nurturing Festival. (Orlan C. Jabagat/PIA MIMAROPA-Palawan)

In other News
Skip to content