PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Binisita ni Vice Admiral Toribio D. Adaci, Jr., Flag Officer In Command (FOIC) ng Hukbong Dagat ng Pilipinas o Philippine Navy ang iba’t-ibang istasyon ng militar na nasa ilalim ng pamumuno nito na nasa Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan.
Layon ng pagbisita nito na alamin ang kalagayan ng mga sundalo na naka talaga sa iba’t-ibang istasyon at upang makausap ang mga ito partikular na ang mga nakatalaga sa iba’t-ibang isla sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea (WPS).
Unang binisita ni VAdm. Adaci, Jr. ang Naval Forces West (NFW) at 3rd Marine Brigade sa Puerto Princesa City, at pagkatapos nito ay tinungo niya ang Kalayaan Island Group (KIG) kung saan nakipag-ugnayan siya sa mga militar na nakatalaga sa mga isla ng Pag-asa, Parola, at Likas.
Maliban sa kanyang pagbisita ay pinangunahan din nito ang ribbon cutting at blessing ng bagong tayo na administrative and research building sa Parola at Likas Stations. Namigay din ito ng mga emergency kits.
Pinuri naman ni VAdm. Adaci, Jr. ang pagsisikap ng mga sundalo sa iba’t-ibang istasyon ng isla, gayundin ang mga barko at sasakyang panghimpapawid ng Philippine Navy sa KIG na nakapaloob sa Western Command joint area of operations, sa pagtupad ng kanilang misyon at pagtupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga tagapagtanggol ng western frontier.
Pinasalamatan din nito ang magaling na pamunuan ng WESCOM sa pamumuno ng Commander nito na si Vice Admiral Alberto B. Carlos PN.
Kasama ni VAdm. Adaci, Jr. ang Commander ng NFW na si Commodore Alan M. Javier sa kanyang pagbisita sa mga nasabing island stations. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Sa pagbisita ni Vice Admiral Toribio D. Adaci, Jr., Flag Officer In Command (FOIC) ng Hukbong Dagat ng Pilipinas o Philippine Navy sa Kalayaan Island Group (KIG) kamakailan ay pinangunahan din nito ang ribbon cutting at blessing ng bagong tayo na administrative and research building sa Parola at Likas Stations. (Mga larawan mula sa Naval Forces West)