LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA5/Albay)—Naghatid ng kasiyahan ang Philippine National Police (PNP) Bicol sa mga dumaraang sasakyan sa harap ng Camp Simeon Ola, Legazpi City Albay Martes, ika-14 ng Pebrero.
Alinsunod sa kanilang tema,’’Harana ni Kasurog para sa araw ng mga puso,’’ nagsagawa ang mga kapulisan ng pag-harana at pamimigay ng lobo, bottled water, toothbrush at toothpaste sa mga dumaraang sasakyan o indibidwal.
‘’Yung gratitude namin, pinapakita namin through harana para ma-inspire ang ating mga kababayan,’’ pahayag ni PRO5 Spokesperson PLTCOL Maria Luisa C. Calubaquib.
PUSONG MAPAGBIGAY | Namahagi ang kapulisan mula sa Philippine National Police (PNP) Bicol ng mga lobo, inuming tubig, toothbrush at iba pa sa mga dumaraang sasakyan at indibidwal sa harap ng Camp Simeon Ola, Legazpi City Albay ika-14 ng Pebrero 2023. (Photo courtesy of Dianna Rose Badong)
Samantala, inihayag naman ni PNP Bicol Regional Director PBGEN Rudolph B. Dimas ang kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat mamamayan para mapanatili ang seguridad ng komunidad.
‘’Ípakita at ipadama natin ang ating pagmamalasakit at pagmamahal sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at pagtutulungan upang sugpuin ang kriminalidad at panatilihing ligtas, tahimik at matiwasay ang ating mga pamayanan,’’ saad ni RD PBGEN Dimas.
Sinabi din ni PLTCOL Calubaquib na ang pinaka-mahalagang parte ng aktibidad ay ang tarheta o papel na nakadikit sa mga ipinamamahagi nilang lobo.
Ayon kay PLTCOL Calubaquib, nakapaloob sa papel ang hotline numbers ng PNP Legazpi [09985985927] at Daraga [09985985937] na maaaring magamit ng publiko sa panahon na kinakailangan nila ng assitensya, tulong o katanungan sa pulisya.
HARANA | Inihandog ng mga kapulisan kasama ang bokalista ng bandang Freestyle na si Joshua Desiderio ang mga awiting iniaalay sa publiko sa araw ng mga puso. (Photo courtesy of Dianna Rose Badong)
Kasama din sa aktibidad ang pagtatanghal ng bokalista ng bandang Freestyle na si Joshua Desiderio.
Aniya, pang-apat na beses nang nagsagawa ng aktibidad na ito ang mga kapulisan tuwing araw ng mga puso.
Pinasalamatan din niya ang SM Legazpi para sa bottled waters at Philippine Dental Association na namigay naman ng toothpaste at toothbrush. (Mula sa ulat nina Judith Valenzuela at Dianna Rose Badong, BU interns—PIA5/Albay)