PNP: Bilang ng crime incidents sa Occidental Mindoro bumaba

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Bumaba ang bilang ng crime incidents sa lalawigan ng Occidental Mindoro sa unang anim na buwan ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2023, ayon sa Police Provincial Office (PPO).

Sa ginanap na 2nd Quarter Joint Provincial Peace and Order Council at Anti-Drug Abuse Council meeting kahapon, Hunyo 18, sa Mamburao, iniulat ni Police Lt. Col. Francis Quejano ng PPO na mula Enero hanggang Hunyo 15, 2024 ay naitala ang 347 crime incidents sa lalawigan.

Higit na mababa ito ng 13.25 porsyento ikumpara noong 2023 na may 400 crime incidents.

Sa 347 incident crimes, 259 na kaso ay nakapaloob sa Peace and Order Indicator kung saan kabilang ang mga kaso ng index at non-index crimes. Ang nalalabing 88 na kaso ay may kaugnayan sa vehicular accidents at iba pang nakapaloob sa Public Safety Indicator.

Ayon kay Quejano, sa index o focus crimes, nakapagtala ang lalawigan ng 15 na kaso ng panggagahasa, 17 ang theft, tig-lima ang murder at robbery, tig-pito ang physical injury at carnapping, at apat na homicide.

Pinakamaraming paglabag (index crimes) ang naitala sa San Jose na may 17 na kaso, sumunod ang bayan ng Sablayan na 16 na kaso, anim sa Mamburao, tig-apat sa Sta Cruz at Magsaysay, at tig-tatlong kaso sa mga bayan ng Rizal, Calintaan at Abra de Ilog. May dalawang kaso naman na naitala sa Paluan, isa sa Looc at zero index crime sa Lubang.

Saad ni Quejano, ang kabuuang 60 na insidente ng focus crimes sa probinsya sa loob ng unang kalahati ng 2024 ay mas mababa ng 32.58 porsyento ikumpara sa nakaraang taon.

Naniniwala ang PPO na ang mas mababang crime incidents sa probinsya ay bunsod ng mga epektibong hakbang na inilatag ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit namang ipinatutupad ng kanilang hanay.

Kabilang na rito ang pagpapaigting ng kanilang police operation, intervention at visibility, gayundin ang maagap na pag-aksyon sa mga naiulat na paglabag, pati na ang paglalagay ng mga checkpoint.

Sinabi rin ni Quejano na malaki ang maitutulong kung bawat munisipyo ay maglalagay ng mga CCTV na may access ang pulisya upang lalo pa silang maging epektibo sa pagresolba ng mga insidenteng kriminal at kaugnay na kaso.(VND/PIA MIMAROPA–Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content