PNP: Matagumpay ang halalan sa Isabela

CITY OF ILAGAN, Isabela (PIA) – Matagumpay na naipatupad ng Philippine National Police sa Isabela ang kanilang mandato na tiyakin ang maayos, ligtas, at mapayapang halalan sa buong lalawigan ngayong National at Local Elections 2025.

Ayon kay Provincial Director Col. Lee Allen Bauding, nanatiling organisado at matiwasay ang halalan sa buong probinsya.

Umabot sa mahigit 2,000 na mga pulis ang naitalaga sa mga polling precincts upang tiyakin ang seguridad ng mga botante, guro, at election personnel.

Ang mga lugar na tinukoy bilang election areas of concern ay binigyang prayoridad, dahilan upang walang naitalang major election-related violent incidents sa lalawigan, maliban sa isang naitalang insidente sa paglabag sa election laws sa isang bayan.

“Ang tagumpay ng Halalan 2025 sa Isabela ay patunay ng mahusay na koordinasyon ng kapulisan, COMELEC, AFP, LGUs, at iba pang ahensya. Mahalaga rin ang naging papel ng mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan,” ani Bauding.

Bilang bahagi ng mas pinaiting na seguridad, kabilang din sa naging katuwang ng PNP Isabela ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at mga yunit ng Maritime Group na nakatalaga sa mga baybaying bayan ng lalawigan upang matiyak ang seguridad sa mga coastal polling precincts.

“Ang kanilang presensya ay nakatulong upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang posibleng banta sa mga lugar na malapit sa dalampasigan,” dagdag ni Bauding.

“Pinatunayan ng mga kapulisan ng Isabela na handa tayong tumugon sa anumang sitwasyon. Sa tuwing may issue o namumuong tensyon sa bawat partido, agad tayong gumagalaw para mabigyan ng kaukulang aksyon at matiyak ang kaayusan at kapakanan ng publiko,”

dagdag ni Bauding.

Nagpasalamat din ang direktor sa tiwala ng publiko at sa kooperasyon ng mga mamamayan ng Isabela, na naging susi sa matagumpay na halalan. Muli rin silang nanawagan ng mapayapang pagtanggap sa resulta ng halalan at patuloy na pagkakaisa para sa kapayapaan at kaunlaran ng probinsya.

Nananatili sa full alert status ang PNP Isabela hanggang Mayo 15, 2025 upang matiyak ang patuloy na kapayapaan at kaayusan sa post-election period. (MGE/PIA Isabela)

In other News
Skip to content