PNP, nagpaalala sa mga kabataan kaugnay sa mga kaso ng rape

LUNGSOD NG BATANGAS(PIA)— Patuloy ang pagpapaalala ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa mga kabataan na mag-ingat upang makaiwas sa mga kaso ng rape sa lalawigan.

Sa isinagawang Joint Provincial Peace and Order Council (PPOC)-Provincial Development Council (PDC) meeting, tinalakay ni PNP Acting Provincial Director PCol. Jacinto Malinao Jr. ang mga kaso ng rape sa lalawigan ng Batangas.

Sa tala ng PNP simula Abril 1 hanggang Hunyo 30 ngayong taon ay nakapagtala ng 30 kaso ng rape, mas mababa sa naitalang 68 kaso sa parehong panahon noong 2023. Sa mga kasong ito ay 14 ang naitalang cleared at 16 ang naresolba.

Kabilang sa mga lungsod at bayang nakapagtala ng mataas na kaso ng rape ay ang lungsod ng Lipa, lungsod ng Batangas at bayan ng Taal.

“Karamihan sa mga kasong naiitala ay sangkot ang mga kabataang edad 11 hanggang 17 taong gulang, karamihan ay kababaihan at mga estudyante. Ang mga naitala naming offenders ay kalimitang kamag-anak o miyembro ng pamilya at kakilala ng biktima karamihan sa kanila ay nasa impluwensya ng alak,” ani Malinao.

Ayon pa sa opisyal, nangyayari ang mga insidente ng rape sa pagitan ng alas-9 ng gabi pataas at karaniwang naitatala sa mga residential areas kung saan mayroong mga umiinom ng alak.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng pulisya ang publiko, lalo na ang mga magulang na bantayan at huwag payagan ang kanilang mga anak na makipag-inuman kahit pa sa mga kakilala sapagkat kalimitang hindi nagiging maganda ang epekto ng kalasingan sa karamihan. (MPDC/PIA-Batangas)

In other News
Skip to content