PNP, PSA magsasagawa ng outreach program sa mga katutubo ng Baco

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Magsasagawa ng outreach program ang Philippine National Police (PNP) Mimaropa at Philippine Statistics Authority (PSA) Mimaropa sa mga katutubong Mangyan ng Sitio Tahik, Barangay Burbuli, Baco.

Personal na binisita ng mga opisyal ng PNP ang tanggapan ni Baco Mayor Allan Roldan, sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel (Pltcol.) Emerson A. Tarac at Pltcol. Alfredo E. Lorin.

Ilan sa mga isasagawang aktibidad sa outreach program ay ang pamamahagi ng food packs, feeding program, at pamimigay ng mga laruan sa mga kabataang Mangyan. Bukod dito, isasagawa rin ang usapang pang-kapayapaan at pagpapanatili ng kaayusan sa nasasakupan nilang lugar upang mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga barangay police.

Ilan pa sa mga nakalinyang gawain ay ang pagsasagawa ng information dissemination ng mga kinatawan ng PSA sa mga katutubo hinggil sa pagkakaroon ng pagkakakilanlan at pamamahagi ng mga birth certificates sa mga katutubong Mangyan.

Pasasalamat naman ang ipinaabot ni Mayor Roldan sa mga opisyales at kawani ng pamahalaan na nagtungo sa kaniyang tanggapan.

Aniya, ang ganitong mga gawain ay magiging malaking tulong sa mga residente na magiging benepisyaryo ng gawain. Bukod dito, nagpahayag din ang alkalde ng mensahe ng suporta sa mga susunod pang gawain at hakbang ng mga ahensiya sa bayan ng Baco. (JJGS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)

Larawan sa taas mula sa Baco Information Office

In other News
Skip to content