POPCEN-CBMS, malaking tulong sa pagpa-plano ng LGU

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Malaking tulong sa pagbuo ng mga programa at proyekto ng pamahalaang lokal ng San Jose ang datos mula sa isinagawang 2024 Census of Population and Community-Based Monitoring System (POPCEN-CBMS), ayon sa Municipal Planning and Development Office (MPDO).

Ang 2024 POPCEN-CBMS ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay pangangalap ng mga datos na may kaugnayan sa populasyon at iba pang mahahalagang impormasyon kabilang ang edukasyon, kalusugan, at food security, ayon kay Niepray Mendoza ng PSA Occidental Mindoro.

Sinabi ni Mendoza na sa pamamagitan ng Census na sinimulan ngayon buwan at matatapos sa Setyembre ay ma-a -update na ang population statistics sa buong bansa.

Sa panayam kay Joseph Salgado, tagapamahala ng MPDO San Jose, sinabi nito na dahil sa epektibong paraan ng pagkalap ng mga datos, lubhang kapaki-pakinabang sa LGU ang mga resultang makukuha ng PSA.

Bukod sa kasanayan ng ahensya na pinangunahan ang nasabing gawain, gagamit ang mga enumerators ng tablet at bagong application para sa POPCEN-CBMS, at “isasabay na rin sa survey ang geo-tagging ng mga pupuntahang bahay.”

Ipinaliwanag ni Salgado na dahil nakabatay sa poverty indicators ang gagawing pangangalap, makikita ng local government unit (LGU) ang mga proyekto at programa na angkop ipatupad sa kanilang constituents lalo na sa mga mahihirap na sektor.

Bilang halimbawa, sinabi ni Salgado na kabilang sa resulta ng POPCEN-CBMS ay mga populasyon na walang sariling bahay, pamayanang walang access sa mga programang pangkalusugan, mga bahay na yari lamang sa light materials o kaya ay walang maayos at tamang palikuran. Binibilang din ang mga lugar na walang malinis na inuming tubig, mga barangay na may mataas na malnutrition prevalence, at marami pang iba.

Ayon pa sa kanya, sa pamamagitan ng mga resulta ng POPCEN-CBMS, magiging malinaw sa LGU, barangay man o munisipyo, ang paglalaan ng pondo sa mga programa na ipatutupad sa isang lugar.

“Sa bawat pagpa-plano kailangan natin ng maayos at tamang datos na magsisilbing basehan ng mga programa, “saad ng MPD Officer, habang makatitiyak din ang LGU na magagamit ang kabang-bayan sa paglikha ng mga programang mag-aangat sa kabuhayan ng mga mamamayan. (VND/PIA MIMAROPA–Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content