PRC service center, itatayo sa Cotabato City

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Nakatakdang itayo sa lungsod ng Cotabato ang Professional Regulations Commission (PRC) service center na layong magbigay serbisyo sa mas maraming Bangsamoro professional sa lungsod at mga kalapit na lugar sa rehiyon.

Kaugnay nito, nakipagpulong kamakailan si PRC Region 12 Regional Director Rotelo Cabugsa kay Ministry of Labor and Employment ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOLE-BARMM) Minister Muslimin Sema upang pag usapan ang mga kinakailangan hakbang upang maisakatuparan ang nasabing proyekto.

Ayon sa MOLE, pahirapan para sa mga residente ng BARMM, partikular na sa lungsod ng Cotabato, Special Geographic Area, Maguindanao del Norte, at Maguindanao del Sur na makapag avail ng iba’t ibang serbisyo ng PRC dahil kinakailangan pang pumunta sa ibang lungsod tulad ng Cagayan, Davao, Koronadal, at Zamboanga.

Kapag naisakatuparan na umano ang nasabing proyekto, ilan sa mga serbisyong handog nito ay processing ng PRC license, PRC ID renewal, pagpaparehistro para sa professional examinations, at requests para sa certification at authentication ng PRC licenses.

Samantala, sinabi ni PRC Regional Director Cabugsa na ang pagpapatayo ng PRC service center sa lungsod ng Cotabato ay magiging daan din upang mahikayat ang mga paaralan na magbukas ng mas maraming kurso o degree programs. (With reports from MOLE-BARMM).

In other News
Skip to content