Georgia

No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

P4.4-M halaga ng mga interbensyon, ipinamahagi ng DA-4A sa mga katutubong magsasaka

LUNGSOD NG QUEZON --Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa ilalim ng proyektong Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4Ks), ng mga interbensyon na nagkakahalaga ng P4,441,987 sa mga magsasakang Dumagat sa unang semestre ng taon.

Ang proyektong 4Ks ng DA ay alinsunod sa Batas Republika Bilang 8371 o ang “Indigenous People’s Rights Act” na naglalayong tulungan ang mga katutubong magsasaka na mapagyaman ang kanilang mga produkto at mapataas ang kita habang patuloy na pinangangalagaan ang kanilang lupang tinubuan o ancestral domain. Ito ay sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga interbensyon at pagdaraos ng mga pagsasanay sa mga katutubo.

Sa naturang proyekto, namahagi ang DA-4A ng mga mga kalabaw, mga binhi, pataba, at iba pang mga kagamitang pangsaka sa 11 asosasyon ng mga magsasakang Dumagat sa rehiyon.

Kabilang ang mga sumusunod: Kapisanan ng mga Katutubong Dumagat/Remontado ng Brgy. Tinucan, Samahan ng Katutubo ng Brgy. Mamuyao Upper, Angat Kalikasan Asosasyon ng Brgy. Sta. Ines (AKA), Daraitan Alas-Asin Manggahan-Yamang Angking Kalikasan (DAM-YAK), Magsasakang Dumagat Remontado ng Laiban, Samahang Magsasaka Dumagat-Remontado, Tunghayan at Ugnayan sa Cuyambay ng mga Dumagat at Remontado para sa Unawain ang Aral ng mga Ninuno (TUCDUAN), Samahang Pangkatutubo ng Sampaloc Kasama sa Paglago (SPSKP), Samahang Tribu ng Dumagat Remontado ng Brgy. San Andres, Samahang Makakalikasan ng mga Katutubo ng Sto. Nino Inc., at Maunlad na Samahan ng mga Katutubong Dumagat/Remontado ng Cayabu.

Nagdaos din ang Kagawaran ng mga pagsasanay na magpapaunlad sa kakayahan ng mga Dumagat tulad ng training on capability building at training on leadership, values formation, and organizational strengthening.

“Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga katutubo sa sektor ng agrikultura kaya naman importanteng makapagpaabot din tayo ng tulong sa mga magsasakang katutubo na nasa kabundukan gaya ng pagtulong natin sa mga magsasaka sa kapatagan,” ani Antonio I. Zara, DA-4A 4Ks Project Focal Person.

Laking-pasasalamat ng mga Dumagat sa mga naipamahaging tulong sa kanila ng DA-4A.

“Nagpapasalamat kami dahil laging nandyan ang DA na nakasuporta at nakaalalay sa amin. Ang mga ibinigay nila ay gagamitin namin para magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan,” ani Julieta P. Lustre, Bise Presidente ng SPSKP.

Inaasahan naman na mauumpisahan sa ikalawang semestre ng taon ang pagpapatayo ng tatlong vermicomposting facility, wood vinegar processing facility, at vegetable nursery sa Tanay, Rizal, lugar kung saan may pinakamaraming populasyon ng mga Dumagat sa rehiyon. Ang pondong gagamitin sa pagpapatayo ng mga pasilidad na nagkakahalaga ng P1,619,950 ay magmumula pa rin sa proyektong 4Ks.

Patuloy din ang DA-4A sa pagdaraos ng mga pagsasanay na magpapaunlad sa kakayahan ng mga Dumagat na magsasaka tulad ng training on crop production, pest and disease control management, basic meat processing, at training on equipment on botanical concoction and facilitating vermicast.

Ang mga empleyado naman ng DA-4A na humahawak sa proyektong 4Ks ay dumalo sa serye ng mga pagsasanay tungkol sa mga katutubo na inihanda ng DA Central Office mula ika-9 hanggang ika-13 ng Agosto bilang paggunita sa Indigenous People’s Week at para na rin makakalap ng mga karagdagang ideya sa kung paano pa mas matutulungan ang mga katutubo, higit lalo ang mga Dumagat. (Reina Beatriz P. Peralta, DA-RFO IVA,  RAFIS)

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch